May 177 pang overseas Filipino workers (OFWs) ang nakauwi ng Pilipinas mula sa Kuwait.

Bandang alas-6:35 ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang eroplano ng Philippine Airlines mula Kuwait sakay ang panibagong batch ng OFWs na nakinabang sa amnesty program ng pamahalaan ng Kuwait.

Sinalubong sila ng mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Binigyan ang bawat isa ng OWWA ng P5,000 tulong pinansiyal at P5,000 mula naman sa Department of Foreign Affairs.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Habang hindi pa nakakauwi ang mga manggagawa sa kani-kanilang probinsya, kukupkupin muna sila ng OWWA at sasagutin ang kanilang hotel accommodation.

Iniutos ni Pangulong Duterte na pabalikin sa Pilipinas ang lahat ng OFWs sa Kuwait dahil sa maraming kaso ng pang-aabuso sa kanila ng kanilang mga amo.

Noong isang linggo ay inuwi ang bangkay ni Joanna Demafilis, na natagpuang na isiniksik sa isang freezer sa isang inabandonang apartment sa Kuwait. - Mina Navarro