Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Philippine Arena)
4:30 pm NLEX vs Blackwater
6:45 pm Meralco vs Ginebra
PATATAGIN ang pagkakaluklok sa gitna ng team standings para sa mas malaking tsansang umusad sa playoff round ang tatangkain ng NLEX at crowd favorite Barangay Ginebra sa dalawang magkahiwalay na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Philippine Cup.
Unang sasalang ang Road Warriors ganap na 4:30 ng hapon kontra Blackwater Elite at susunod naman ang Kings kontra Meralco ganap na 6:45 ng gabi sa double header na gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue.
Kasalukuyang magkasalo ang Road Warriors at ang Kings sa ikalimang puwesto taglay ang 5-4 karta sa likod ng Rain or Shine na may 5-3 kartada.
Sumusunod naman sa kanila at magkakasalo sa ika-6 na puwesto hawak ang kabaligtarang 4-5 na marka ang Globalport, Phoenix at Blackwater.
Dahil sa dikit-dikit na posisyon, lahat ng mga nabanggit na teams ay pawang naghahangad ng tagumpay upang makaiwas na malagay sa alanganin.Kaya naman mas lalong tumitindi ang labanan palapit sa pagtatapos ng eliminations.
“We’re tied in the standings right now. it’s so tight. It’s the time in the conference that everyone’s scrambling for wins,” pahayag ni coach Tim Cone.
Tatargetin ng Kings ang ikatlong sunod na panalo na magpapatibay ng kanilang tsansa na umusad ng susunod na round.
Nanganganib namang ganap ng ma-eliminate sa hawak na barahang 2-6, magkukumahog ang katunggali nilang Bolts na maituloy ang nasimulang pagbangon matapos magwagi kontra Phoenix sa nakaraan nilang laban.
Mauuna rito, kapwa naman patatatagin ng Road Warriors at Elite ang pag-asang makalusot sa preliminaries partikular ang huli na tatangkaing masungkit ang panglimang pangkalahatan at ikatlong sunod na panalo.
“We would want to keep our hopes alive and that would only happpen if we will continue our winning ways,” ani Blackwater head coach Leo Isaac. “With this convincing win against Kia, maybe we can go on and move up to the next level in terms of confidence, maturity.”