Ni PNA
ANG mahigpit na direktiba ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na linisin ang pangunahing tourist destination sa bansa at kinikilala bilang pinakamagandang isla sa mundo, ang Boracay Island sa Aklan, ay maaaring maisakatuparan sa loob ng anim na buwan.
“That target is doable,” sabi ni National Solid Waste Management Commission (NSWMC) Secretariat Executive Director Eligio Ildefonso.
Ayon kay Ildefonso, ang pagtutulungan ng mga stakeholder sa sikat na resort island upang ganap na matuldukan ang polusyon sa isla ang magiging susi upang maisakatuparan ang paglilinis dito sa partikular na panahong itinakda.
“NSWMC personnel were able to clear a dumpsite there in less than a month last year so more can be done if everyone in Boracay will help clean up and avoid worsening pollution in that island,” sabi ni Ildefonso.
Hinimok ni Ildefonso ang agarang pagkilos upang malinis ang Boracay, sinabing nagsisilutang o kaya naman ay naaanod ang mga solidong basura sa ilang bahagi ng pampang ng isla kapag low tide.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa magkakaugnay na wastong pagtatapon ng basura at pagkakaroon ng mga treatment facility ng mga establisimyento sa Boracay upang maibsan kahit paano, kung hindi man tuluyang maiwasan, ang polusyon.
Una nang inihayag ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu na pangungunahan ng kagawaran ang paglilinis sa Boracay Island. Iniulat ng kagawaran ang paglalabas nito ng mga notice of violation sa 51 establisimyento sa isla dahil sa paglabag sa RA 9275 (Philippine Clean Water Act of 2004). Alinsunod sa nasabing batas, obligado ang lahat ng kabahayan at negosyo na itapon nang wasto ang kanilang septic waste sa pamamagitan ng treatment facility, ayon sa DENR.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ni Ildefonso ang mga lokal na pamahalaan na tumalima sa mga batas pangkalikasan ng bansa.