Ni REGGEE BONOAN

PROUD na proud at puring-pusi ni Ogie Diaz si Erich Gonzales na bukod sa napakahusay umarte at mas mahusay pang makisama sa mga katrabaho.

OGIE copy

Ayon sa aming katoto na TV/radio host/aktor/talent maneger ay napabilib siya sa aktres nang ito mismo ang mag-suggest sa scriptwriter kung anu-ano ang mga palatandaan na gagawin niya para magkaroon ng kanya-kanyang pagkakakilalanlan ang tatlong karakter na ginagampanan niya sa The Blood Sisters.

Tsika at Intriga

Lakbayaw heartthrob Marco Navarra, sasabak na sa pag-aartista!

“Si Erika na Davaoeña na kaibigan ko, ang mannerism niya ‘yung lagi niyang hinahawakan ang ilong niya. Si Carrie na doktora, ‘yung sa ulo panay ang hawak yata at si Agatha panay ang hawak sa buhok. Ako, ha, bilang acting coach din, maganda ‘yung ginawa ni Erich na may palantandaan siya para hindi siya mawala sa karakter at tama ‘yung ginawa niya.”

Si Erika ay Bisaya, si Carrie ay sosyal ang pamilya kaya English speaking at si Agatha ay Ilokana.

Natatawang kuwento pa ni Ogie, kapag tinuturuan siya ni Erich sa mga dialog nila sa Bisaya ay sinasabayan niya ng punchline, kaya panay ang hirit ng aktres ng, “More punchline pa, ‘Ma (tawag sa kanya ng aktres), I’m a fan!”

Tinanong namin si Ogie kung sino ang paborito niya sa rami na ng nakatrabaho niyang mga artista.

“Actually, wala akong nakakatrabahong salbahe. Tulad nina Janella (Salvador), si Elmo (Magalona), walang mga salbahe sa kanila. Ewan ko lang kung sa iba, eh, iba ang ugali nila, sa akin kasi lahat ng nakakatrabaho ko (okay). Siguro ang tingin sa akin reporter pa rin.

“Pero hindi naman, kasi mararamdaman mo ‘yung sinseridad ng mga bata. Minsan may mga topak sila na kailangan mong hayaan, mga artist ‘yan, eh. Ako nga mas gusto ko, minumura ako, eh. ‘Pag minura ka lalo na ng kaibigan, eh, ibig sabihin ganu’n kayo ka-close kaya hindi ka dapat magagalit. Kaysa naman ‘yung puro ‘hello po’ ‘yun pala... alam mo na (pinaplastik),” kuwento ng sidekick ni Erich sa The Blood Sisters.

Nabanggit din ni Ogie na kung sakaling hindi tinanggap at napiling maging Darna si Liza Soberano ay bagay daw kay Erich ang nasabing role.

“Sabi ko, ikaw ang naisip kong kayang-kaya mo. Sabi ni Erich, ‘Ma, ano ba, ang tanda ko na.’ Sabi ko, hindi kaya mo nga, ang husay mo umarte ‘tapos kaya mo pang mag-iba-iba ng look.

“Kapag may eksena nga kami, babasahin ko ang script, may Carrie, may Tonyo (Ejay Falcon), Bruce, Erika, isip ko, ‘naku matagal ‘yan.’ Kasi magpapalit ng anyo, magpapalit ng buhok, magpapalit ng damit. Kaya career kami. Kaya siguro, blessed kami ng magandang ratings.

“Kaya si Erich sobra, I’m also a fan of Erich Gonzales, walang kaere-ere, napakahusay. Sabi ko nga, ‘Naku, sana hindi magkasakit itong si Erich kasi kapag nagkasakit siya, wala kaming taping lahat dahil nakakabit kaming lahat sa kanya.

“Pero in fairness naman sa lola mo, maalaga naman sa katawan, meron siyang isang whole day na pagkain kasi nga diet-diet naman lola mo. Ayaw niyang magpa-sponsor, binibili niya. Kaya hindi rin siya tumataba.

“Hindi ko rin siya naringgan ng pagod, hindi talaga. Kung ako siguro ‘yung ganu’n kahirap, baka masabi ko pa, ‘puwedeng bukas na lang?’ Siya pa ‘yung laging huling umaalis kasi obviously, tatlo siya,” paglalarawan ni Ogie kay Erich.

Nagpang-abot na ba isang taping day na gagampanan ni Erick sina Erika, Carrie at Agatha na magkakasama?

“Ay, hindi pa, dalawa pa lang, Erika at Carrie kasi sobrang hiwalay si Agatha. ‘Pag may Agatha na, all scenes of Agatha ‘yan para mabilis hindi ‘yung papalit-palit. Unless hand to mouth kami at kailangang magkita nu’ng tatlo. May mga bangko pa. Abangan ninyo ‘yung pagkikita nu’ng tatlo, naku ilang oras ‘yun kasi magpapalit-palit sila ng itsu,” kuwento pa ni Mama Bruce (karakter ni Ogie sa TBS).

Sa ipinakitang episode nitong Biyernes, kumpirmado nang triplets talaga sina Erika, Carrie at Agatha na si CherryPie Picache ang ina bilang si Adele.

Kasambahay ng mga Bermudez-Almeda si Cherry Pie at dahil hindi magkaanak ang mag-asawang Dr. Deborah (Dina Bonnevie) at Norman (Jestoni Alarcon), kinausap siya ng dalawa kasama na ang inang si Dr. Rosemari (Tessie Tomas) na maging surrogate mother sa pamamagitan ng invitro fertilization.

Pumayag naman si Adele dahil mahal niya si Norman, pero nagkaroon ng aksidente at nalaglag ang ipinagbubuntis niya.

Hindi pumayag si Norman na mawala ito dahil magagalit ang asawa’t biyenan bukod pa sa hindi na talaga magkakaanak ang asawa.

Kaya nakiusap siyang ituloy nila ni Adele ang pagbubuntis at nangyari naman.

Sa madaling salita, anak na ni Adele ang ipinagbubuntis niya at ayaw na niya itong ibigay kina Debbie at Norman kaya itinago niya ang triplets pero natunton siya ng huli na hindi alam na tatlo ang naging anak nila.

Pilit na inagaw ni Norman si Carrie at ibinigay kay Debbie. Ang ikalawang anak naman (Erika) ay may kumuha raw na ibang lalaki, ayon sa ina ni Adele kaya naiwan sa kanya si Agatha at nanirahan sila sa Baguio.

Inamin ni Ogie na sa rami ng seryeng nagawa na niya ay ito ang pinakamahirap na karakter na ginagampanan ng isang artista. Ngayon din lang siya naging sidekick ng bida dahil kadalasan ay nasa kontrabida side siya.

“Ngayon lang din kasi ako nakagawa ng triplets. Meron pala, ‘yung Mutya (2011) na sirena ni Mutya (Orquia),” balik-tanaw ni Ogie.

Naikuwento rin ni Ogie ang isa sa mga sekreto niya para maging okay sila ng artistang nakakasama niya sa serye.

“Ugali ko ‘pag first day, nilalapitan ko ‘yung bida, kung sino ‘yung sidekick ako, nilalapitan ko na, tsinisika ko para komportable kami sa eksena hindi ‘yung nagkakahiyaan kami. Kaya si Erich, tsinika ko ng bongga. Sabi ko, huwag nilang isiping reporter ako. Ayoko rin naman kasi ng pinangingilagan at iniiwasan ako nab aka isulat ko. Kaya kahit kuwento hindi ako nagkukuwento. Saka ayaw ko ng may kagalit kasi hindi ako maka-arte ng tama,” kuwento pa ni Ogie.

Nabanggit pa ni Ogie na masuwerte ang veterans’ actors/actresses ngayon, tulad niya.

”Panahon ng veterans ngayon, kokonti na lang kami, so ang marami ngayon mga bago na gagawan at pagalingan ang mga batang artista ngayon.”

Ang The Blood Sisters na lang ang project ngayon ni Ogie sa ABS-CBN dahil nawala na ang karakter niya sa Home Sweetie Home bilang boss ni John Lloyd Cruz as Romeo na asawa ni Toni Gonzaga na si Julie.

Nagkatawanan sa binanggit ni Ogie na siya pala ang dahilan kung bakit nawala na ang karakter niya bilang si Boss Paeng ni Lloydie.

“Ito kasing John Lloyd, eh, inano si Ellen (Adarna),” pabirong sabi ng komedyante.

‘Ikaw kasi nagreto,’ hirit namin.

“Ang gaga-gaga ko kasi. Siyempre maski na, malalaki na sila, hindi na sila menor de edad na ma-convince ko, nasa sa kanila rin ‘yun. Nagkataon lang na sinabi ko na kay John Lloyd na, ‘Medyo ano ka na may edad ka na Lloydie, ha, wala ka pang anak! Sabi niya, ‘Oo nga, eh. Gusto na nga ng mommy ko, eh, kahit walang kasal.’

“Sabay sabi ko kay Ellen, ‘Eh, ikaw naman, ‘Day... sabi niya, ‘Ako okay lang (magka-anak) kahit walang asawa.’ ‘Tapos sabi ko kay Lloydie, ‘O, gusto mong magkaanak, o ‘yun naman pala, oh.’ Hayan, ako tuloy naapektuhan, wala na tuloy akong taping,” nakangiting kuwento ni Ogie na ikinahagalpak ng tawa naming mga kausap niya.

Pero hindi rin dahil sa pagrereto ang dahilan ni Ogie, “Feeling ko type nila talaga ang isa’t isa, nagkatitigan na ‘yan.”