MAYROON ba—o wala talagang—kakapusan ng bigas sa bansa ngayon?
Sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na may sobra pa ngang 2.7 milyong metriko tonelada ng lokal na bigas, na bunsod ng 19.4 na milyong metriko tonelada na produksiyon ng palay noong nakaraang taon, ang pinakamarami sa kasaysayan. Nasa 2.7 milyong tonelada ng nasabing produksiyon ang nananatili pa rin hanggang ngayon. At sa kasalukuyan, sa unang tatlong buwan ng taong ito ay inaasahan ng DA ang ani na aabot sa 3.1 milyong metriko tonelada—o may kabuuang 5.8 milyong metriko tonelada.
Gayunman, sinabi ng National Food Authority (NFA) na dapat na mayroon itong buffer stock para sa 15 araw—30 araw kung hindi panahon ng anihan simula Hulyo hanggang Setyembre—subalit mabilis na nababawasan ang imbak ng ahensiya kaya naman itinigil na nito ang pagsu-supply sa mga negosyante. Nagresulta ito sa kawalan ng NFA rice sa mga pamilihan.
Subalit sagana ang commercial rice sa merkado. Sinabi ni Senator Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, na ang bigas mula sa NFA ang may kakapusan. Ito ang mabibili sa mababang halaga na abot-kaya ng mahihirap. Ito ang mga imbak na bigas na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development kaugnay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program nito.
Sinabi ni Senator Villar na dapat na tiyakin ng NFA na laging sapat ang imbak nito sa pamamagitan ng pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka sa halip na umangkat. Ayon sa senadora, maaaring bumili ng palay ang NFA sa murang halaga sa mga lalawigang tulad ng Antique at Palawan. Hindi lamang nito masisiguro ang kinakailangang buffer stock kundi makatutulong din upang mapalaki ang kita ng mga lokal na magsasaka.
Subalit mas pinipili ng NFA na bumili mula sa ibang bansa—kung hindi sa Thailand ay sa Vietnam. Noong nakaraang linggo, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang plano ng NFA na umangkat ng 250,000 tonelada ng bigas matapos sabihin ni NFA Administrator Jason Aquino na nagsisilbi ang ahensiya sa walo hanggang sampung milyong mahihirap na Pilipino, at ang mga ito ang magdurusa sa kakapusan ng NFA rice. Ang bigas ng NFA ay ibinebenta ng P27 hanggang P32 kada kilo, kumpara sa commercial rice na mabibili ng P36-P65 bawat kilo.
Walang aktuwal na kakapusan ng bigas sa bansa dahil sapat na ang inaani ng ating mga magsasaka, ngunit ang gastusin nila sa pagtatanim ay mas mataas kaysa ginagastos ng mga magsasaka sa Thailand at Vietnam, kaya naman mas magastos din ang pag-aani sa ating bansa. Sinabi ni Secretary Piñol na mayroong “anomalous food chain” sa mga negosyante na nagdidikta ng presyo ng bigas na binibili ng mga ito sa mga magsasaka.
Kaya naman sanga-sanga ang interes ng maraming sektor na sangkot—ang gobyerno, ang mga magsasaka, ang mga negosyante, ang mahihirap na mamimili, at ang mayorya na may kakayahang bumili ng mas mahal na bigas. Marahil ang pangmatagalang solusyon sa problema ay ang bawasan ang gastusin ng mga magsasaka sa pagtatanim upang hindi na kailanganin pang umangkat ng murang bigas para sa mahihirap.
Ang mas magandang solusyon ay ang pagpapalaki ng kita ng mamamayan sa pagkakaroon ng maraming trabaho sa mas masiglang ekonomiya upang hindi na kakailanganin pa ang mga espesyal na programang tulad ng Pantawid dole-outs at abot-kayang NFA rice.