Ni Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, sa pinakahuling report ng Global Witness, isang international organization na nagsisiyasat ng mga kaso ng pang-aabuso sa kalikasan at paglabag sa karapatang pantao, pumangalawa ang Pilipinas sa listahan ng mga deadliest o pinakamapanganib na bansa para sa mga “green activists” o tagapagtanggol ng kalikasan.
Sa halos 200 green activists na pinatay sa buong mundo noong 2017, 41 ay mga Pilipino, karamihan sa kanila ay mga katutubong ipinagtatanggol ang kanilang lupa laban sa malalaking negosyo at tinututulan ang mga patakaran ng pamahalaang nakapipinsala sa kapaligiran. Ayon pa sa report, kasama ang mga extractive industries (katulad ng pagmimina) at ang mga agri-businesses (gaya ng mga plantasyon) sa mga “drivers of violence” o nagdudulot ng karahasang nauuwi sa pagpaslang sa mga green activists.
Subalit, hindi ba’t sa likod ng agresibong paghanap ng lupa ng mga nagpapatakbo ng mga negosyong ito ay ang mataas na demand mula sa atin para sa mga produktong gumagamit ng mga nakukuha sa minahan at pagkaing inaani mula sa malalawak na plantasyon? Halimbawa, kailangang magmina ng copper at ginto upang lumikha ng mga smartphones at gadgets na kinahuhumalingan ngayon ng marami. May mga bundok namang kailangang tibagin upang magkaroon ng sementong gagamitin sa pagpapatayo ng mga dinudumog nating mga malls. Lupa rin ang kailangan upang makapagtanim ng mga prutas at gulay na gagamitin naman ng tinatangkilik nating mga kainan.
Sa pagnanais na matugunan ang ating mga pangangailangan at makuha ang patuloy nating pagtangkilik (nang sa gayon ay lumaki rin ang kanilang kita), may mga negosyong handang gawin ang lahat upang alisin ang mga hadlang sa kanilang interes—kabilang ang pananakot, panggigipit, at pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan. At dahil binibili natin ang mga produktong maaaring mula sa mga negosyong walang paggalang sa kalikasan at karapatang pantao, masasabing kahit tayong mga mamimili ay mayroong kaugnayan—hindi man direkta at kahit pa man napakaliit—sa mga kaso ng pagpatay sa mga green activists.
Sa Laudato Si’, inaanyayahan tayo ni Pope Francis na pakinggan hindi lamang ang daing ng kalikasan kundi pati ang daing ng mahihirap—“hear both the cry of the earth and the cry of the poor.” Patuloy ang pagtangis ng kalikasan dahil sa mga gawain ng taong itinuturing na instrumento para kumita ang mga bundok at karagatan. Nananangis din ang mga mahihirap, lalo na ang mga apektado ng pagkasira ng kanilang kapaligiran at pagkawala ng kanilang tahanan, dahil sa mga negosyong nais kamkamin ang kanilang lupa, na may mga pagkakataong nauuwi nga sa pagpatay sa mga green activists.
Dumaraing ang kalikasan at ang mahihirap, ngunit marami sa atin ang hindi nakaririnig—o pinipiling hindi makarinig—dahil masaya na tayo sa mga materyal na bagay na mayroon tayo. Ang pananahimik natin ay nagbibigay-lakas sa mga negosyong sisirain pa ang ating mga kabundukan, karagatan, at hangin. Kung hinahayaan natin ang ating mga sariling lamunin ng konsumerismong handang sirain ang kalikasan at handang kumitil ng buhay ng maliliit upang makamit natin ang ating mga materyal na kagustuhan, para na ring nabigyan ng lisensya ang mga malalaking negosyo at mga tiwali sa pamahalaan na isantabi ang buhay ng tao at kamkamin ang lupang ipinagkaloob ng Diyos para sa kapakinabangan ng lahat.
Simula po ngayon ng panahon ng Kuwaresma, at napakaakma ng panahong ito upang suriin natin ang ating ugnayan sa kalikasan, sa ating kapwa, at sa Diyos, sa isang mundong nalulunod sa konsumerismo. Paalaala ang abo sa ating mga noo na ang kahulugan ng ating buhay ay hindi dapat nakasalalay sa mga materyal na bagay, mga bagay na maaaring bunga ng mga negosyong hindi makatao at hindi makakalikasan, mga negosyong karahasan ang puhunan. Sa alabok, tayo’y nanggaling; sa alabok, tayo’y magbabalik (Genesis 3:19).
Sumainyo ang katotohanan.