Ni TARA YAP
ILOILO CITY – “Bugtaw! Bugtaw! (Gising! Gumising ka!).
Ito ang umiiyak na inihihiyaw ni Joyce Demafelis, ang bunsong kapatid ng overseas Filipino worker (OFW) na ang bangkay ay natagpuang nakasilid sa freezer sa loob ng isang apartment sa Kuwait na mahigit isang taon nang abandonado.
Lubhang nakapanlulumo ang muling pagsasama ng magkapatid na Joyce, 20, at Joanna Daniela, 29, na dumating kahapon ng umaga ang labi sa Iloilo International Airport.
Bukod sa pagnanais na maipagawa ang bahay ng kanyang pamilya sa Sara, Iloilo na nasira sa pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ noong 2013, nag-abroad din si Joanna upang pag-aralin si Joyce.
Nais maging pulis ni Joyce, pero tumigil na siya sa pag-aaral ng Criminology nang hindi na nila matawagan si Joanna, at wala na rin itong ipinadadalang pera mahigit isang taon na ang nakalipas.
Mayo 2014 nang lisanin ni Joanna ang bansa para magtrabaho sa Kuwait.
Sa nakalipas na mga taon, ang pagsasama-sama ng pamilya Demafelis kahapon ang unang pagkakataon na nakumpleto sila—mahigit 100 silang sumalubong sa labi ni Joanna na nakasilid sa isang kahoy na kahon, makaraang mapatay sa bugbog ng umano’y amo nitong Lebanese at misis na Syrian.
Bagamat umiiwas sa panayam ang halos buong pamilya, nagbigay ng mapait na komento ang tiyahin ni Joanna na si Rosela Demafelis Taunan, sinabing nangarap lang naman ng magandang buhay ang pamangkin para sa pamilya nito.
“Sa pangarap niya, amo ina na abutan niya (Sa kapapangarap niya, ano’ng napala niya)?” sabi ni Rosela sa Balita.
Sa mahigit dalawang oras na biyahe mula sa paliparan patungo sa bayan ng Sara, naghilera sa gilid ng highway ang mga Ilonggo upang magpaabot ng pakikiramay sa sinapit ni Joanna—ang bagong imahe ng kawalang katarungang sinasapit ng ilang OFW.
Kasabay nito, iginiit ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamilya Demafelis na masusing nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa International Criminal Police Organization (Interpol) upang matugis at mapanagot ang mga suspek.
Tiniyak din ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na tatanggap ng karampatang benepisyo ang pamilya Demafelis mula sa pamahalaan.