SANTIAGO JAMILTEPEC (Reuters) – Patay ang 13 katao sa lupa, kabilang ang isang tatlong taong gulang na bata, nang bumulusok ang isang Mexican military helicopter na sinasakyan ng matataas na opisyal sa isang maliit na bayan sa estado ng Oaxaca, sinabi ng mga awtoridad nitong Sabado.
Bumagsak ang helicopter, sakay ang interior minister at state governor, sa ibabaw ng dalawang van sa isang open field habang sinisikap na lumapag sa kadiliman ng gabi sa Santiago Jamiltepec matapos libutin ang pinsala ng 7.2 magnitude na lindol noong Biyernes. Nakaligtas ang senior officials ngunit 12 katao sa lugar ang nasawi at isa pa ang namatay kalaunan sa ospital. May 15 iba pa ang nasugatan.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbulusok.