Ni Jun Aguirre
BORACAY ISLAND, Aklan - Nanawagan kahapon ang pamunuan ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tiyakin ng kagawaran na tama ang mga datos na ipinalalabas nito sa media at hindi fake news.
Ayon kay Nette Graf, presidente ng BFI, isang business group sa isla ng Boracay, isang linggo na silang naghihintay na mabigyan ng listahan ng kanila umanong mga nilabag na batas, ngunit hanggang ngayon ay wala pa umanong natatanggap ang BFI.s
Kamakailan ay inihayag ng DENR na ipasasara nito ang tinatayang 51 establisimyento sa isla dahil sa paglabag umano ng mga ito sa ordinansa, at pagdudumi sa kalikasan.
Ngunit ayon kay Graf, fake news umano ang pahayag na ito ng DENR dahil wala naman umanong ibinigay na notice of violation sa mga establisimyento sa isla na sinasabing may mga paglabag.
Sinubukang kuhanan ng pahayag ng Balita ang panig ng DENR ngunit hindi pa naglalabas ng komento ang kagawaran.
Samantala, batay sa datos ng Caticlan Jetty Port ay tumaas ng may 17.7 porsiyento ang turistang bumisita sa Boracay simula nitong Pebrero 1 hanggang Pebrero 15.
Batay sa kanilang datos, umabot sa 99,729 na turista ang bumisita sa Boracay sa nakalipas na mga linggo.
Umabot sa 70, 876 ang mga dayuhang turista na dumayo sa isla, 26,872 ang lokal na turista, at 2,026 ang overseas Filipino workers (OFWs).
Noong 2017, sa kaparehong panahon ay nakapagtala ng 84,700 turista sa Boracay. Tinatayang 52,342 dito ang dayuhan, 30,128 ang lokal na turista, at 2,237 ang OFWs.