HATAW ang Arellano University sa siyam na sunod na puntos sa fourth set para itarak ang 25-15, 25-16, 15-25, 22-25, 15-6, panalo kontra San Beda College at makalapit sa minimithing maidepensa ang korona sa NCAA Season 93 women’s volleyball tournament nitong Biyernes sa The Arena sa San Juan.

Kumubra si Regine Arocha ng 14 puntos at apat pang Lady Chiefs ang tumipa ng double digit para masungkit ang panalo sa Game 1 ng kanilang best of three title series.

Nakatakda ang Game 2 sa Lunes.

“Napakalaking leksyon talaga, syempre kung gusto mong manalo, kailangan ‘wag mo nang pahirapan ang sarili mo,” pahayag ni coach Obet Javier.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Kung kaya mo naman siyang kunin ng mabilis nang hindi ka na nagmamadali. So ‘yung nagyari kanina tingin ko mas magigising talaga ang team na hindi na ‘to dapat mangyari sa Game Two,” aniya.

Sa men’s division, naungusan ng Arellani ang dating walang talong University of Perpetual Help, 12-25, 25-21, 19-25, 26-24, 15-9, sa sim,ula ng kanilang best-of-three Finals.

Ratsada si Christian dela Paz sa naiskor na game-high 24 puntos para sandigan ang Chiefs at ipatikim sa Joeward Almodiel-led UPH ang pait ng kabiguan sa unang pagkakataon ngayong season.

Liyamado ang Perpetual matapos walisin ang elimination round.

Umusad sa finals ang Chiefs nang patalsikin ang defending champion College of St. Benilde sa stepladder semifinals.

Target nilang tapusin ang serye sa Lunes para sa unang NCAA men’s volleyball title mula ng sumabak sa liga noong 2009.

“Wala munang celebration. ‘Yung Perpetual kaya bumawi. So kailangan magprepare kami, hindi pa ‘yan tapos pero maghahanda kami ng maganda sa Game 2,” sambit ni AU coach Sherwin Meneses.

Nanguna si Almodiel, hinirang na Rookie-MVP, sa naiskor na 18 puntos para sa Perpetual.