Ni Ali G. Macabalang

COTABATO CITY - Nagbakbakan ang dalawang armadong grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil sa pag-aagawan ng mga ito sa plantasyon ng saging, nitong Biyernes ng hapon.

Tinukoy sa report na natanggap ni Lt. Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Anti-Crime Task Force Central, ang dalawang nagsagupaang grupo—ang isa ay pinangunahan ni Kabag Alilayah, habang ang isa pa ay pinamunuan naman ni Jacob Sangki.

Ayon kay Besana, pinag-aawayan ng mga ito ang tinatawag na strategic spots sa Delinanas Cavendish banana farm sa mga bayan ng Datu Abdullah Sangki at Ampatuan sa Maguindanao.

Probinsya

Lalaking nabokya sa E-Bingo, nag-amok at nagnakaw sa pasugalan

Nilinaw ni Besana na kahit magkasama ang dalawang grupo sa 106th Base Command ng MILF ay magkaaway pa rin ang mga ito pagdating sa pag-angkin ng kanya-kanyang teritoryo.

Kinumpirma rin ng opisyal na suportado ni Mama Simpal, ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang grupo ni Sangki sa pakikipaglaban kay Alilayah.

Paglilinaw ni Besana, walang naiulat na nasawi o nasugatan sa bakbakan ngunit lumikha ito ng pangamba sa mga residente sa dalawang bayan.

Idinagdag pa ng opisyal na sumiklab ang engkuwentro isang araw makaraang iutos ni Abdullah Sangki Mayor Miriam Mangudadatu ang pagpapasara sa banana plantation dahil sa usapin sa seguridad, hindi pagsunod ng pamunuan nito sa mga regulasyon ng munisipyo, at hindi pagbabayad ng renta sa lupain.