Ni Leslie Ann G. Aquino

Tiniyak ni Caloocan City Bishop Pablo David sa publiko na magsasagawa ito ng masusing imbestigasyon sa naging reklamo ng ilang nagsimba sa San Roque Cathedral, na napaso ang mga noo makaraang pahiran ng abo nitong Ash Wednesday.

Ayon kay David, ilang nagsisimba ang napaulat na nakaramdam ng pagkapaso sa kanilang noo matapos silang magpapahid doon ng abo, at nang banlawan nito ito sa mismong banyo ng cathedral—dahil nga hindi na nila matiis ang matinding hapdi sa kanilang balat—nakita nila ang namumulang rashes o bahagyang pamamaltos sa mismong balat na pinahiran ng abo.

Nang makarating sa kanya ang mga nasabing reklamo, sinabi ng obispo na kaagad na itinigil ng cathedral pastoral vicar ang pagpapahid ng nasabing abo at humingi ng ibang abo sa mga kalapit na simbahan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay David, dinala sa klinika ng cathedral ang mga nagreklamong nagpapahid ng abo para lapatan ng first aid, at sinabi ng doktor na totoong napaso ang mga ito dulot ng isang chemical substance.

Iminungkahi rin ng doktor na ipasuri ang nasabing abo, na may halong holy water, sa chemical laboratory.

Sa resulta ng lab test na isinapubliko kahapon, natukoy na mataas ang acidity level ng abong naipahid sa mga mananampalataya.

Sinabi ng obispo na labis ang kanilang pagtataka sa insidente dahil walang sinuman sa mga tauhan ng cathedral ang may ginawang kakaiba sa dating proseso sa paghahanda ng abo para sa Ash Wednesday.

“The fact that only some and not all the Mass-goers seem to have been adversely affected by the ashes could only mean that only some specific containers contained the toxic substance, and not all of them,” saad sa pahayag ni David.

Gayunman, sinabi ng obispo na nagsasagawa na sila ng sariling imbestigasyon, at ipinasisilip ang mga kuha ng CCTV footages sa cathedral sa hinalang mayroong “nanabotahe”.

“Could somebody have maliciously sneaked in to mix acid in the ashes?” ani David.

Kaugnay nito, muling humingi ng paumanhin ang cathedral sa mga apektadong mananampalataya, sinabing handa ang simbahan na i-reimburse ang nagastos sa pagpapagamot ng ibang hindi nasuri sa klinika nito, at “we will not leave a single stone unturned in order to find out what had caused this unfortunate incident,” ayon kay David.