Ni Antonio L. Colina IV at Genalyn D. Kabiling

Hindi nakulong sa Hawaii ang pastor na si Apollo Quiboloy matapos umanong makumpiskahan ng $350,000 cash o mahigit P18 milyon, at ilang piyesa ng baril sa loob ng kanyang private jet.

Ito ang paglilinaw kahapon ng tagapagsalita ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, at sinabing nakauwi na ito sa Pilipinas nitong Huwebes ng gabi.

Inilabas ni Torreon ang pahayag nang maiulat na pinigil at ikinulong sa Honolulu, Hawaii airport ang pastor at nagtatag ng King of Jesus Christ kaugnay ng insidente.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinayagan, aniya, si Quiboloy na bumalik kaagad sa bansa dahil wala naman umano itong nilabag na batas sa Amerika.

“Because if there was a crime committed, he would have been ordered to stay there because that’s allegedly in

flagrante delicto that there was crime being committed and therefore he needed to be detained in the US but that’s not what happened. He is here in the Philippines, and therefore we should just relax, this matter being clarified, I hope this put to rest now,” pagtatanggol nito.

Sa isang television interview, binanggit ni Torreon na bago payagang bumalik ng bansa si Quiboloy ay pinagpaliwanag muna ito ng immigration sa Amerika kaugnay ng pagdadala nito ng cash at ilang piyesa ng baril.

“There is no way it can be legally probable for him to arrive right away if he was charged, if he was detained or if a deportation proceeding was made against him,” pagtatapos pa nito.

Si Torreon ay dean din sa College of Law ng Jose Maria College, na pag-aari ni Quiboloy at matatagpuan sa Diversion Road sa Catitipan, Davao City.

Matatandaang iniulat nitong Huwebes ng Hawaii News Now na kabilang si Quiboloy sa anim na katao, kabilang ang nag-iisang Amerikanong pasahero na si Felina Salinas, 47, na lulan sa Cessna Citation Sovereign ng pastor na nasamsaman ng bulto ng pera at mga piyesa para sa mga military-style rifle.

Nakasaad sa ulat na tanging si Salinas, tagasuporta ni Quiboloy at business manager sa Waipahu church, ang inaresto makaraang aminin na sa kanya ang pera.

Kinasuhan si Salinas ng attempted bulk cash smuggling nang ideklara niyang $40,000 lang ang kanyang bitbit.

Matagal nang malapit na kaibigan ni Pangulong Duterte, pangungunahan ni Quiboloy ang matagal nang naitakdang prayer rally sa Ynares Compound sa Antipolo City, Rizal bukas, ayon pa kay Torreon.

Samantala, kumpiyansa naman si Pangulong Duterte na malulusutan ni Quiboloy ang napaulat na kinasangkutan nitong insidente.

“Wala po dahil pribadong indibiduwal naman si Pastor Quiboloy at alam naman ni Presidente, kaya niyang pangalagaan ang kanyang sarili,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque nang hingan ng komento sa isyu.