Ni PNA
MAGTITIPUN-TIPON ang iba’t ibang opisyal ng gobyerno upang talakayin ang ibibigay na pangalang Filipino sa limang underwater features sa Philippine Rise, na dating Benham Rise, na kamakailan ay pinangalanan na ng China.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na tatalakayin niya ang nasabing usapin kasama si National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon, at ang iba pang miyembro ng Gabinete.
“Pag-uusapan pa namin ni NSA (Esperon) and ibang Cabinet members. As for me, I would also give these features Philippine names,” aniya.
Inilabas ng kalihim ang pahayag makaraang ibunyag ng maritime law expert na si Dr. Jay Batongbacal na tagumpay na napangalanan ng China ang limang undersea features sa rehiyon, na saklaw ng 200-nautical mile na exclusive economic zone (EEZ) ng bansa, na inaprubahan ng International Hydrographic Organization noong 2017.
Ang tatlong underwater feature ay iniulat na “discovered” habang nagsasagawa ng survey ang Li Shiguang Hao ng China Navy Hydrographic Office noong 2004 at nagsumite na sila ng mga mungkahing pangalan sa IHO para ikonsidera noong 2014.
Ang nalalabing tanawin ay “discovered” ng kaparehong barko, ngunit ang mga mungkahi para sa mga pangalan ay naisakatuparan noong 2016. Ang mga feature ay tinawag ng China na Jinghao at Tianbao Seamounts, na sinasabing saklaw ng 70 nautical miles sa silangan ng Cagayan, at ang Haidonquing Seamount na matatagpuan naman sa silangan na sakop sa 190 nautical miles.
Ang dalawa pa ay tinawag ng China na Cuiqiao Hill at Jujiu Seamount, na bumuo sa central peaks ng Philippine Rise undersea geological province, ayon kay Batongbacal.
Nitong Miyerkules, inihayag ng Malacañang na ikinasa na ng Philippine Embassy sa Beijing ang diskusyon hinggil sa usapin sa China.