Ni Clemen Bautista
SA kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, lalo na sa panahon ng pananakop at panunupil ng mga Kastila, maraming Pilipino ang nagpakita ng kanilang maalab na pag-ibig sa ating bansa na inagaw ang kalayaan at mga karapatan. Ang marami’y sumapi sa makabayang kilusan tulad ng Katipunan, na itinatag ni Gat Andres Bonifacio at ng kanyang mga kasamang makabayan. Naghimagsik laban sa masamang pamamahala ng mga prayle. Inialay ang kanilang buhay upang malagot ang tanikala ng paninikil at maibalik ang inagaw na kalayaan.
Sa pakikipaglaban sa mga mapanupil na prayle, may mga paring Pilipino na nagpamalas ng kanilang pagmamahal sa kalayaan at karapatan. Tumutol sa kawalang katarungan. Kabilang dito sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora, na lalong kilala sa tawag na Gomburza.
Ang tatlong paring Pilipino na sa panahon pa lamang ng kanilang pag-aaral ay nasa puso na ang pagmamahal sa ating bayan. Ang Gomburza ang pinaghandugan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ng kanyang political novel na “El Filibusterismo”.
Ngayong ika-17 ng Pebrero ay ginugunita sa kasaysayan ang martyrdom ng Gomburza. Matapos isangkot sa pag-aalsa sa Cavite noong Enero 19-20, 1872, dakpin, isailalim sa mock trial o paglilitis at pagkuha ng isang saksing sinungaling, ang Gomburza ay hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng garote noong umaga ng Pebrero 17, 1872 sa Bagumbayan na kilala na ngayon sa tawag na Rizal Park o Luneta.
Ang Bagumbayan ay maituturing na pinakasagradong lugar sapagkat nadilig at natilamsikan ito ng dugo ng mga Pilipino na ipinaglaban ang kalayaan at kanilang mga karapatan.
Ang martyrdom ng Gomburza ay masasabing watershed sa kasaysayan ng pagkamakabayan o nasyonalismo at ng pagmamahal sa iniibig nating Pilipinas. Ang kamatayan ng Gomburza ay naging buklod ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor sa ating bansa. At naging tanda ng simula ng pagwawakas ng pananakop ng mga prayle.
Sa isang bahagi ng sanaysay ni Dr. Jose Rizal, sinabi ng ating pambansang bayani na kung wala ang 1872, maaaring wala ang isang Plaridel, Graciano Lopez Jaena at iba pang bayani. Maaaring si Dr. Jose Rizal ay naging isang Heswita at hindi niya naisulat ang mga nobelang “Noli Me Tangere”at “El Filibusterismo” na inialay sa alaala ng Gomburza.
Sa panahon ng mga prayle, mababa ang pagtingin nila sa mga paring Pilipino. Kahit matalino at may kakayahang mamahala sa parokya ang mga paring Pilipino, ipinagkait ito ng mga prayle. Tinuligsa ito ng mga paring Pilipino. At upang matupad, inilunsad ni Padre Pedro Pelaez ang Sekularisasyon—isang kilusan na ang tanging layunin ay mga paring Pilipino ang mamahala sa parokya.
Si Padre Pelaez ay vicar noon ng Manila Cathedral. Ngunit hindi nagtagal ang kilusan sapagkat namatay si Padre Pedro Pelaez nang magkaroon ng malakas na lindol noong Hunyo 3, 1863.
Ang nasabing kilusan ay ipinagpatuloy ni Padre Jose Burgos, ang pinakabata sa Gomburza. Naging estudyante siya ni Padre Pedro Pelaez sa Unibersidad de Santo Tomas. Sa Vigan, Ilocos Sur isinilang si Padre Burgos. Si Padre Gomez na pinakamatanda sa tatlong pari ay isinilang naman sa Sta. Cruz, Maynila; at si Padre Zamora ay sa Pandacan, Maynila ipinanganak.
Magkakatulong at puspusang itinaguyod ng Gomburza ang kilusan ng Sekularisasyon. Ipinamukha sa mga prayle na ang mga paring Pilipino ay may kakayahang gumanap ng tungkulin sa Simbahan, lalo na sa mga parokya. Hindi co-adjutor o katulong na pari.
Ngunit nalagot ang pangarap ng Gomburza sapagkat sila’y isinangkot sa pag-aalsa sa Cavite noong ika-20 Enero, 1872. Matapos sumailalim sa isang mock trial at kumuha ng isang saksing sinungaling, hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng garote ang tatlong pari.
Naganap ang pagpapakamartir ng Gomburza noong umaga ng Pebrero 17, 1872. Ang kanilang martyrdom ay naging inspirasyon sa mga Pilipino sa pakikipaglaban sa karapatan at kalayaan.