ANG problemang lumutang kaugnay ng plano ng bansa na bumili ng mga helicopter mula sa Canada ay hindi makaaapekto sa programa para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang pinakamalaking bahagi ng programang ito ay ang pagbili ng squadron ng mga South Korean FA jet fighter para sa Philippine Air Force (PAF) sa halagang P18.9 bilyon, na sinundan ng pagbili ng dalawang bagong barko mula pa rin sa South Korea para naman sa ating Philippine Navy na nagkakahalaga naman ng P15 bilyon.
Ang 16 Bell 412 helicopter mula sa Canada, na nagkakahalaga ng P12 bilyon, ang sana ay ikatlong pinakamalaking gastusin sa matagal nang naipagpapalibang programa ng modernisasyon ng AFP, na sa loob ng maraming taon ay nakaasa lamang sa mga pinaglumaan ng Amerika.
Nitong Pebrero 8, isang araw makaraang lagdaan ang $233-million (P12-bilyon) na kasunduan sa mga bibilhing helicopter, inihayag ng pamahalaan ng Canada, sa pamamagitan ni Trade Minister Philippe Champagne, na ipinag-utos nito ang pagbusisi sa nasabing kasunduan sa pangambang ang nasabing mga helicopter ay gagamitin sa pakikipagdigmaan sa mga rebelde. Ayon sa opisyal, ang napagkasunduan ay gagamitin ang nasabing mga helicopter sa mga search at rescue operation.
Inakala ba talaga ng mga Canadian na ang mga helicopter na ibebenta nito sa Philippine Air Force ay gagamitin lamang sa mga operasyong walang kinalaman sa militar, gaya ng pagbibiyahe ng mga opisyal, pagsagip sa mga biktima ng kalamidad, paglahok sa mga surveillance mission sa ating mga hangganan, at paglipad kasabay ng parada sa Luneta tuwing Araw ng Kalayaan?
Sinabi nitong Martes ng Department of National Defense (DND) na kaugnay ng pahayag na ito mula sa pamahalaan ng Canada, ipinaalam na ng kagawaran sa Canadian Commercial Corporation na kinakansela na ng Pilipinas ang order nito alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte.
Sinabi ng tagapagsalita ng DND na si Arsenio Andolong: “While the combat unit helicopters being purchased are primarily for the purpose of transporting persons and supplies, the department believes that it does not owe the Canadian government any justification for an outright purchase of equipment from a privately-owned company.” Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ikinokonsidera na ngayon ng Pilipinas na makipagnegosasyon sa apat na ibang bansa—sa South Korea, Russia, China, at Turkey.
Ilang buwan pa lamang ang nakalipas matapos matagumpay na natuldukan ng Pilipinas ang limang-buwang digmaan nito laban sa mga teroristang Maute-ISIS, na kumubkob sa Marawi City noong Mayo at tuluyang nagapi matapos ang maraming pagkamatay sa magkabilang panig, at pagkawasak ng maraming ari-arian. Gayunman, nagpapatuloy ang banta dahil mayroong iba pang mga grupo ng puwersang rebelde sa Mindanao — ang New People’s Army, ang Abu Sayyaf, ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ang mga natitira pang kasapi ng Maute, at iba pa.
Ang malaking bahagi ay para sa internal security kaysa depensa laban sa mga puwersang panlabas, pinalalakas ngayon ng Armed Forces of the Philippines ang kakayahan nito. Inihayag ni Pangulong Duterte ang plano ng AFP na magdagdag ng 20,000 tauhan sa hanay nito. At bumibili na ang militar ng mga eroplano at helicopter, mga barko, mga armas at mga bala. Kung ayaw ng Canada na gamitin ng Pilipinas ang mga helicopter para sa ating pangangailangang pangseguridad, kailangang maghanap tayo sa iba.