Ni Ric Valmonte
“HINDI ko isinasaalang-alang ang pagbibitiw. Ang labanang ito ay higit na malaki kaysa akin,” pahayag ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Tinukoy niya ang pagnanais ng mga kasapi ng House Committee on Justice na siya ay ma-impeach.
Kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ng komite ang inumpisahan nitong pagdinig sa impeachment complaint na isinampa ni Atty. Larry Gadon laban sa Punong Mahistrado, dalawang bagay ang nakikita ko.
Una, hanggang ngayon ay nagsasagawa pa ng fishing expedition ang House Committee on Justice. Sa halip na si Atty. Gadon ang mangalap at magprisinta ng ebidensiya sa komite, ang komite ang gumagawa nito sa likod ng kapangyarihan nitong mag-imbestiga “in aid of legistation.” Hanggang sa puntong ito na inabot ng imbestigasyon, masyadong nagasgas na ang dahilang ito na “in aid of legislation.”
Kaya, sa nagaganap na proseso, maliwanag ang layunin ng mga mambabatas na gipitin lang ang Chief Justice, kahit paulit-ulit na sinasabi ni Chairman Umali ng Committee on Justice na may probable cause na ang kaso para ma-impeach ang Punong Mahistrado. Dahil kung sapat na ang ebidensiya para sa layuning ito, ang mga mambatatas ang dapat unang nakakaalam nito dahil sila naman talaga ang complainant at judge. Bakit nila pinagtatagal ang pagdinig? Bakit hindi na nila isampa ang kaso sa Senado, na magsisilbing impeachment court?
Ang totoo, at ito ang ikalawang bagay na nakikita ko, ay nais lamang nilang inisin ang Chief Justice. Nais nilang siraan ito. Baka sa pamamagitan nito ay mabuwisit ito at magbitiw na lang sa tungkulin.
Magandang narinig na naman natin ang pagtiyak ng Punong Mahistrado ng kanyang katatagan sa labanan. Tama siya, ang laban na sinusuong niya ay hindi lamang para sa kanya. Higit sa lahat, ang sangkot dito ay ang kapakanan ng bayan.
Ang Korte Suprema ang huling hantungan ng mamamayan na nagnanais na makamit ang katarungan. Ito ang tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng karapatang sibil at karapatang pantao ng taumbayan. Silang mga gustong manaig ang kanilang kagustuhan at gamitin ang kapangyarihan ng gobyerno laban sa sambayanan, ang pinayuyukod nila ay ang naggagawad ng katarungan. Sinisira nila ang kalayaan nito.
Kaya ang laban ni Sereno ay laban ng bayan. Laban ng taumbayan upang mapangalagaan at mapanatiling matatag ang demokrasya sa bansa.
“Kapag lumaban ka at ito ay para sa karapat-dapat na layunin, hindi mo dapat inaalintana ang kahihinatnan nito. Kapag ito ang isinaalang-alang mo, para ka lang lumaban dahil alam mo na ikaw ay mananalo. Mali ito. Lumaban ka dahil alam mo na ito ang dapat mong gawin, hindi dahil sa kung ano ang mangyayari. Ngayon, nakahanda ka sa magiging kabayaran,” sabi ni CJ Sereno.
Sa ganitong panahon, ang ginagawa ni Sereno laban sa panggigipit sa kanya ay karapat-dapat. Hindi niya dapat isuko ang kanyang teritoryo. Dahil ang pagbagsak niya ay lalong magpapasigla sa mga taong nais gibain ang demoktratikong sistema ng ating pamumuhay.