Ni Gilbert Espeña
INAASAHANG magkakasubukan ang mga sibilyan, kapulisan, military at maging bomber sa isasagawang ‘Tokhang’.
Ngunit, walang dapat ipagamba. Malayo sa kontrobersya ang kaganapan dahil tiyak na suportado ng lahat ang programa na binasagang ‘Tokhang Run’.
Ang makabuluhang patakbo -- naglalayong palaganapin ang kaalaman at karapatan ng bawat mamamayan -- ay gaganapin sa Pebrero 23 sa Malolos Sports and Convention Center sa Malolos City.
Magkatuwang na inorganisa ng TeamBRO Multi Sports Apparel at Bulacan Police Provincial Office(BPPO)-Malolos City, tinatayang 1,000 mananakbo ang lalahok sa limang kilometro at 10 kilometrong haba ng takbuhan sa kahabaan ng Mac-Arthur Highway sa Malolos City at mayroong naghihintay na premyo sa unang tatlong lalaki at babaeng uniformed personnel mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP),Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) personnels na makatatawid sa finish line.
Mayroon ding naghihintay na premyo sa mga sibilyang lalahok sa Oplan Tokhang fun run na may registration fee na P350 sa parehong ruta at maaaring magpatala sa administration section ng BPPO-Malolos City, Municipal at City police stations sa buong Bulacan at sa Imak Endurance Solution, 2nd Floor City Walk Sports Center sa Malolos City o kaya ay tumawag kay Sunny Pantuan ng Team Bro sa numerong 0917-205-2220,kay PO2 OJ Tiongson sa numerong 0932-183-6878 at sa Admin section ng BPPO sa 0917-526-6573.
Layunin ng patakbo na maipakita ng mga mamamayang Bulakenyo na sinusuportahan nila ang kampanyang Oplang Tokhang ng Bulacan PNP na hinihimok ang mga nalululong sa ipinagbabawal na droga na sumuko sa pulisya upang makapagbagong-buhay o sumailalim sa rehabilitasyon. Malaking bahagi ng kikitain ng patakbong ito ay ilalaan ng BPPO sa kanilang mga programa para sa mga itinayo nilang Bahay Pagbabago para sa rehabilitasyon ng mga lulong sa bawal na gamot.