ANG Olympic Winter Games sa Pyeongchang sa South Korea ay posibleng maisakatuparan ang Peace Games na inaasam ng South Korea.
Noong unang bahagi ng nakalipas na buwan ay nagkaroon ng mga pangamba na magsimula ng digmaan ang Amerika o ang North Korea na maaaring makapagpaliban sa palaro na isasagawa malapit sa hangganan ng dalawang magkaaway na estado ng Korea. Nagpadala ang Amerika ng tatlong aircraft carrier na may kanya-kanyang attack forces sa karagatang nasa silangan ng Korean Peninsula bilang pagpapakita ng puwersa, makaraang magpakawala ang North Korea ng isa pang missile na tumawid sa Japan patungo sa Pasipiko, at ipinagmalaking kaya na ngayon ng mga missile nito na makaabot sa alinmang siyudad sa Amerika. May mga nabahala na baka totohanin ni US President Donald Trump ang ipinagmamalaki nitong “fire and fury” sa pamamagitan ng aktuwal na pag-atake sa mga missile site ng North Korea.
Sa harap ng mga pangambang ito, nagsimula nitong nakaraang linggo ang Winter Games, at hindi lamang basta nagpadala ng mga manlalaro ang North; nakiisa pa ito sa pagmamartsa ng mga atleta mula sa South sa opening day ceremonies bitbit ang iisang watawat na nagtatampok sa mapa ng Korean peninsula.
Subalit ang pinakamalaking istorya ng mga pahayagan sa mundo ay ang pagpunta sa South ng opisyal na delegasyon mula sa North, na kinabibilangan ng kapatid na babae ng lider ng North na si Kim Jong Un at ng malapit nitong tagapayo na si Kim Yo Jong. Ipinaabot niya ang imbitasyon ng kanyang kapatid kay South Korean President Moon Jae-In para dumalo sa summit meeting sa Pyongyang.
Sakaling matuloy ang summit, ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaharap ang mga pinuno ng dalawang Korea simula noong 2007. Sa anggulong teknikal, may digmaan pa rin sa pagitan ng dalawang bansa dahil natigil lamang ang Korean War ng 1950-53 sa pamamagitan ng tigil-putukan, at hindi sa bisa ng tratadong pangkapayapaan.
Ang Amerika, na ang bise presidenteng si Mike Pence ay dumalo sa Winter Games, ay napaulat na ineendorso ang panukalang negosasyon na kalaunan ay magreresulta sa direktang pakikipag-usap sa Amerika. Masusi ring nakasubaybay sa mga pangyayari si Japanese Prime Minister Shinzo Abe, ngunit sinabing nagkasundo sila ni South Korean President Mioon na dapat panatilihin ang maximum pressure sa North Korea.
Matatagalan pa bago magkaroon ng ganap na kapayapaan sa rehiyon, subalit mahalagang maisakatuparan na ang mga dakilang hakbangin sa Winter Olympics sa South Korea, ngayong kalahok sa palaro ang mga atleta ng North, at nagtungo sa South ang kapatid na babae ni Kim Jong Un upang ipaabot ang mensahe ng kapatid, at nag-alok ng summit ang North sa South Korea.
Maaaring magtagumpay ang summit na opisyal na mawakasan ang Korean War 65 taon na ang nakalipas. Higit sa ano pa man, maaari itong magbunsod sa pagkakaunawaan—o posibleng sa isang pormal na kasunduan—na magbibigay ng tuldok sa palitan ng banta ng pag-atakeng nukleyar na kinasasangkutan ng dalawang Korea, Japan, at Amerika. Sakaling mangyari ito, maaalala ang Pyeonchang Olympic Games bilang isang tunay na Peace Games.