Ni Celo Lagmay
KUNG totoong ipinatupad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mahigpit na utos ni Pangulong Duterte, natitiyak ko na naipasara na ang daan-daang establisimyento sa Boracay – ang isla na tanyag sa buong daigdig bilang destinasyon ng mga turista. Ang direktiba ng Pangulo ay bunsod ng nakadidismayang sitwasyon ngayon ng naturang tourist spot na dumudumi dahil sa kawalan ng sewage system ng nabanggit na business establishments.
Sa sukdulan ng panggagalaiti ng Pangulo, hindi ako nabigla nang ilarawan niya ang kalagayan ng Boracay sa pamamagitan ng nakaaalibadbad na mga salita; dahilan marahil ito sa mga ulat na ang ilang bahagi ng beach resort sa isla ay pinalalabo at pinaaalingasaw ng mga dumi na nagmumula sa ipinasasarang mga establisimyento; ang mga ito ay hindi umano konektado sa main sewage system na maayos ang pagkakagawa.
Ang gayong mga paglabag sa environmental laws ang tiyak na sisikapin ng DENR na maiwasto upang hindi lumubha ang naturang problema. Ang Boracay ay hindi dapat magmistulang basurahan dahil lamang sa makasariling hangarin ng ilang negosyante na magkamal ng limpak-limpak na pakinabang na ang malaking bahagi ay nagmumula sa bulsa ng mga local at foreign tourists.
Naniniwala ako na hindi lamang sa Boracay talamak ang sinasabing tandisang paglabag sa ating environmental laws. Ang Manila Bay, halimbawa, ay hindi nakaliligtas sa naglutang na mga basura at kung minsan ay masangsang na alingasaw. Sa kabila ng sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang sektor ng environmentalists, hindi pa rin maituturing na ganap na malinis, mabango at maningning ang naturang dalampasigan na kilala sa mundo dahil sa simbolo nito: Sunset in Manila Bay.
Maging ang makasaysayang Pasig River ay hindi rin ligtas sa karumihan, kapangitan at nakaaalibadbad na simoy dahil sa mga basura na ibinubuga ng mga pabrika sa baybay-ilog. Ito ang dahilan kung bakit hindi na natin pinakikinabangan ang mga isda at iba pang likas na kayamanan sa naturang ilog; hindi ko matiyak kung ang nabanggit na mga pabrika ay nakapaglagay na ng mga water treatment system upang mapanatiling malinis ang tubig.
Ang nabanggit na mga lugar – Manila Bay at Pasig River – tulad ng Boracay at iba pang tourist destination, ay dapat pangalagaan; iligtas sa mapangahas at masakim na mga mangangalakal na walang inaatupag kundi kumita sa pamamagitan ng paglabag sa environmental laws.
Ang kanilang mistulang pagwasak sa kapaligiran ang natitiyak kong magtataboy hindi lamang sa ating mga kababayang turista kundi, higit sa lahat, sa mga dayuhang turista na masyadong naaakit sa kagandahan ng ating bansa.