Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Sa kabila ng bahagi ng kanyang trabaho ang madalas na pagbiyahe sa labas ng bansa, tiniyak ng Malacañang na hindi pa rin ligtas si Department of Tourism (DoT) Secretary Wanda Teo sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng gobyerno na limitahan ang mga biyahe sa labas ng Pilipinas.
Ito ang naging pahayag kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque, makaraang mapaulat na isinama ni Teo ang kanyang make-up artist at mga utility worker sa kanyang mga biyahe sa Canada, Dubai, Italy, Japan, Russia, South Korea, United Kingdom, at Amerika noong 2016 at 2017.
Sa press briefing kahapon, sinabi ni Roque na posibleng nalaman na ng Presidente ang tungkol sa mga nasabing biyahe ni Teo, at maaaring nausisa na rin ng Pangulo ang kalihim tungkol dito.
“Well, if it’s been published I’m sure the President will ask. It’s in his nature, always to ask,” sinabi kahapon ni Roque.
Gayunman, ipinagtanggol ng opisyal ng Palasyo si Teo nang sabihing masyado pang maaga para sabihing labis-labis ang naging pagbiyahe ng kalihim, dahil bahagi ng trabaho ng huli ang madalas na pagbiyahe.
“Unang-una, hindi po natin alam kung hindi kinakailangan ‘yun, kasi Secretary of Tourism ‘yun. Talagang trabaho niya na ibenta ang Pilipinas bilang travel destination,” sabi ni Roque. “Maiintindihan naman natin siguro kung bakit maraming biyahe abroad ang Secretary of Tourism because she has to sell the Philippines as a destination.”
Sinabi ni Roque na bukod sa pagbabawal ng Pangulo sa madalas na pagbiyahe ng mga nasa Executive branch, may ipinatutupad ding patakaran ang Commission on Audit (CoA) tungkol dito.
“Basta sumunod ka sa established guidance, number of personnel na kasama, at legitimacy ng trip mo, siguro naman ‘yan ay allowable,” ani Roque.
“Meron din pong guidelines d’yan at ‘yan po ay binubusisi rin ng CoA. Kung meron pong violation sa pertinent rules and regulations, ilalabas at ilalabas po ‘yan ng COA,” paliwanag pa ni Roque. “No one is exempt because as government employees, we are subject to existing COA rules.”
Sa nakalipas na apat na buwan ay sinibak ng Pangulo ang ilang opisyal ng pamahalaan dahil sa labis na pagbiyahe, kabilang sina Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Marcial Amaro at Commission on Higher Education (CHEd) Chairperson Patricia Licuanan.