Ni PNA

NAKIISA ang dalawang senador sa tumitinding panawagan para agarang maisailalim sa rehabilitasyon ang isla ng Boracay, na nabago na ng polusyon, upang mapanatili ang pagsigla ng turismo ng bansa habang pinangangalagaan ang ganda ng isla.

Nanawagan si Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Ways and Means Committee, sa lahat ng stakeholders na magtulungan upang isalba ang “world’s best island”.

Hinikayat din niya ang mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na opisyal na istriktong magpatupad ng batas at ordinansang pangkalikasan, at patawan ng parusa ang mga lalabag na establisimyento.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“We have to get our acts together. Boracay attracts two million tourists every year and brings in more than P50 billion in annual revenues. Huwag naman sana nating sayangin ito dahil lamang may ilang establisimyento na hindi nakakasunod sa mga regulasyon ng gobyerno,” sabi ni Angara.

Ayon sa Department of Tourism (DoT), mula sa 150 establisimyento na kamakailan ay ininspeksiyon ng gobyero, 25 lamang ang konektado sa sewage line, habang marami sa mga ito ang itinatapon ang kanilang mga dumi nang direkta sa dagat.

Kamakailan ay nagbanta si Pangulong Rodrigo R. Duterte na isasara ang isla, dahil mapanganib para sa kalusugan ng mga turista ang problema sa basura at dumi rito.

Binigyang-diin ni Angara na huwag nang hintayin ng mga stakeholder ang pagpapasara sa isla, dahil maaapektuhan nito ang industriya ng turismo sa bansa, gayundin ang kabuhayan ng mga residente sa lugar.

“The tourism industry is a major economic driver and job generator for the country. Definitely, its closure will have an adverse impact on its locals who depend on the island’s tourism for their livelihood. Kung kaya huwag na nating hintayin na tuluyan itong ipasara dahil sa ating kapabayaan,” dugtong pa ng senador.

Nanawagan din ang mambabatas sa mga stakeholder na ipatupad ang Green Jobs Law (Republic Act No. 10771) na lumilikha ng trabaho, at nakapag-aambag sa pangangalaga at muling pagsasaayos ng kalikasan at likas na yaman.

Sa ilalim ng RA 10771, na isinulong ni Angara, ang green jobs ang mga trabaho na tutulong “[to] protect ecosystems and biodiversity, and minimize or altogether avoid the generation of all forms of waste and pollution”.

“Green jobs can help preserve the pristine waters and powdery white sand of Boracay. Bukod sa disenteng trabaho, makatutulong pa ito sa rehabilitasyon ng isla,” ani Angara.

Samantala, hinikayat naman ni Senador Nancy Binay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang munisipalidad ng Malay sa Aklan na mag-organisa ng grupo ng mamamayan, na magiging bahagi ng pagbabantay sa pinakapopular na isla sa buong mundo.

“Hinihimok ko po ang DENR at ang bayan ng Malay na magbuo ng mga citizens’ teams upang maging katuwang sa pag-monitor at pangangalaga ng Boracay,” sabi ni Binay, chairperson ng Senate Committee on Tourism.

“Seryosong bagay ito. Boracay has been in an abusive relationship with humans. It’s about time for her to say, ‘Tama na!,” ani Binay.

Inihayag ng senadora na magiging bahagi rin ang bubuuing grupo ng regular na beach clean-up upang mapanatili ang diwa ng bayanihan, habang iniiwasan ang polusyon sa isla.