Ni Johnny Dayang

ANG prangkang pagtawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Boracay bilang isang ‘cesspool’ o poso negro ay hindi lamang pangangalampag. Binibigyang diin nito ang isang katotohanan na sa loob ng maraming dekada—sa kabila ng pagiging tanyag nito sa buong daigdig bilang paraisong isla sa Pacific Ocean, — walang habas itong sinisira at tila walang hakbang ang ginagawa para maisaayos ito.

Ang pagpapanumbalik sa dating malinaw na dagat at kariktan ng puting buhanginan sa mga dalampasigan ng isla ay isang adbokasiya ng mga pamahalaang lokal ngunit lalong lumalala ang kasiraan ng mga ito. Higit kailanman, lubang kailangang pangalagaan ang kung anong natitirang orihinal na kapaligiran at kailangan ang agarang pagkilos.

Ayon sa isang survey kamakailan, sa mga negosyong umiiral sa isla, 293 establisimyento ang lumabag sa mga batas pangkapaligiran, at 51 rito ang nahaharap ngayon sa pagsasara dahil wala silang ‘sewage treatment facilities,’ ayon kay Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Upang matugunan ang matitinding isyu ng Boracay, mariing iminungkahi na magdaos ng isang “stakeholders’ summit” na dapat ay pamatnugutan ng mga ‘non-partisan sectors” na may malalim at wastong pagkilala sa mga suliraning nagbabanta sa industriya ng turismo ng isla.

Ang pagsagip sa Boracay ay hindi lamang isang lokal na suliranin. Malaki at malawak ang mga implikasyon sa pambansang turismo at lalo pang pinalolobo ng maraming papuring tinatanggap ng isla mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na ito ay isang “iconic tourist destination.”

Para sa panukalang summit, napakahalaga ang pakikiisa at papel na gagampanan ng media, hindi lamang dahil sa malawak at malayong inaabot nito, kundi na rin sa malalim at mapanuring pananaw nito kaugnay ng mga isyung kaakibat ng mga suliranin ng Boracay.

Dahil nasa Aklan ang Boracay, nararapat lamang na dapat ding may papel na gampanan ang Aklan Press Club na sa loob ng maraming taon ay aktibong isinusulong ang adbokasiya ng pangangalaga sa isla mula sa mga kapabayaan, habang sinusuportahan ang mga inisyatiba ng mga tao at ahensiya na sadyang may obligasyong protektahan ang kalikasan sa pagkasira.

Malaki ang maitutulong ng sa media sa summit, bukod sa malawakang pagbabalita tungkol sa mga kaganapan at talakayan doon. Titiyakin nito ang transparency o malinaw at patas na paglalahad na siguradong aakit sa interes at partisipasyon ng mga grupo at institusyong maka-kalikasan, na malaki ang magagawa sa pagtugon sa mga suliraning nangangailangan ng agarang aksiyon.

Makatutulong din ang media para matiyak na ang mga talakayan dito ay hindi magiging pulitika at sumbatan.