Ni Dave M. Veridiano, E.E.
TOTOO na mahirap na matakasan ng mga kriminal ang “Long Arm of the Law” ngunit kadalasan mas pinapaboran pa nito ang mga mayayaman, pulitiko at nasa kapangyarihan kaya natutulog nang napakatagal ang mga kasong isinasampa laban sa mga ito.
Kumpara sa mga nakita kong mahihirap na may asunto at nakakulong sa presinto, na sa halip na ipagtanggol ng abugadong ibinibigay sa kanila ng pamahalaan, ay ipinapaamin at ipinapaako na lamang ang krimen upang matapos agad ang kaso at umikli ang pagkakulong sa mga ito…Dahil walang pera bubunuin na lamang ng pobreng akusado ang sintensiya at wala nang api-apila!
Kaya tuloy ang naglalaro sa aking isipan ay dalawa ang “Arm of the Law” – MAIGSI lamang para sa mga mahihirap at MAHABA naman para sa mga mayayaman at may kapangyarihan!
Isang halimbawa rito ang panawagan ng anti-corruption watchman na Citizen Crime Watch (CCW) na madaliin na ang kasong plunder na isinampa nito noong taong 2013 sa Office of the Ombudsman, laban kay dating Camarines Sur Gov. Luis Raymond Villafuerte, na ngayon ay representante na ng 2nd district ng Camarines Sur.
Ang kaso ay isinampa sa pangunguna ni CCW Secretary General Carlo Batalla, kaugnay sa maanomalyang “Tent City” na itinayo sa loob ng capitol grounds ng lalawigan, na ginastusan ng pondong P101.7 milyon mula sa kaban ng bayan.
Ayon kay Batalla, isang dating board member ng lokal na pamahalaan ng Camarines Sur, sa halip na makatulong sa pag-unlad ng lalawigan ang milyones na halagang “Tent City” – na ginamit noong “22nd Philippine Advertising Congress” -- ay naging malaking pag-aaksaya lamang ito ng pera ng bayan.
Naging pabigat pa ang maintenance nito at naglagay sa malaking kahihiyan sa buong lalawigan. Halos padapain na umano ito ng mga bagyong dumaan sa kanilang lugar at ‘di man lamang napakinabangan, ang sabi ni Batalla.
“The said Philippine Ad Congress did, in fact, took place. However, it turned out to be an occasion to bilk and prejudice the province of Camarines Sur,” ang sabi ni Batalla sa kanyang reklamong isinampa sa Ombudsman.
Naihain na ang kaso sa Sandiganbayan upang litisin, kaya todo ang panawagan ni Batalla upang ‘di ito magaya sa ibang asunto ng mga pulitikong naka-puwesto sa pamahalaan, na medyo inaamag na yata ang mga dokumento sa korte!
Nagsimula ang kasong ito noong 2011 nang silipin ng CWW ni Batalla ang noon ay Camarines Sur governor na si Villafuerte at ang provincial bids and awards committee, na pinamumunuan ni Jeffrey Lo – “for violating the Anti-Graft and Corrupt Practices Act by allegedly making diesel fuel purchases without public bidding”.
Halos kasabayan ito nang paglabas naman ng report ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing – “The diversion of the fund for the construction of the venue was not even part of the province’s annual investment plan (AIP) and local development plan (LDP).” Ayon pa sa COA report, dahil umano rito ay maraming programang nakapila para sa lalawigan ang hindi natuloy at nauumpisahan gayung ang mga ito ang aprupado ng Sangguniang Panlalawigan (SP).
Halos kinatigan ito ng opinyon na ipinalabas naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kinukuwestiyon ang awtoridad ni Villafuerte sa ginawang pagkatig nito sa sinasabing - “Diversion of the fund for the project without the concurrence of the SP”.
Bilang sagot sa reklamo, sinampahan naman ni Villafuerte ng kasong Libel si Batalla sa fiscal’s office, na agad namang naghain nito sa korte sa lalawigan. Dito kinailangang magpiyansaagad ni Batalla upang ‘di makalaboso.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]