Ni Annie Abad
HANDA ang Philippine Cycling (PhilCycling) na tustusan ang pagsasanay ng teen cycling sensation na si Rex Luis Krog.
Sa isinagawang welcome party ng 17-anyos na si Krog— unang Pinoy sa nakalipas na walong taon – na nagwagi ng silver medal sa Asian Cycling Championships juniors road kamakailan, sinabi ni Philcycling president Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, na inihahanda na ang programa, kasama ang Go For Gold para kay Krog.
“Katulad po ng sinasabi nila, marami pa akong kakaining bigas. Pero okay lang naman po ‘yun kasi alam ko naman po kailangan ko pa rin mag-improve overall,” pahayag ni Krog, pambato ng Nueva Ecija.
Tumapos si Krog sa likod ng kampeon na Japanese at nilampasan niya ang Thai rider sa finish line ng 103-km road race na nilahukan ng 48 siklista sa buong Asya nitong Sabado sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Huling Pinoy na nakapagwagi ng medalya para sa bansa sa Asian level si Rustom Lim (bronze) noong 2011.
Pinarangalan din ni Jeremy Go, Vice President for Marketing of Powerball Marketing and Logistics Corp., ang kompanya sa likod ng Go for Gold project, at ni coach Ednalyn Calitis Hualda ang character ni Krog.
Iginiit ni Hualda na handa na si Krog, anak ni dating national team members Marita Lucas at namayapang si Edward Krog, para sumabak sa UCI Road World Cycling Championships sa Innsbruck, Austria, sa September 22-30.
Natural climber siya pero sa pagpalit ng gear, lumalabas rin ang skills niya sa sprint. ‘Pag matangkad ka rin, advantage na ‘yun sa track,” pahayag ni Go.
Suportado naman ni PhilCycling President Abraham “Bambol” Tolentino ang programa para sa batang siklista.
“Given the proper training and program, Luis will be a star,” pahayag ni Tolentino.
“With the kind support given by PhilCycling and UCI, we’re looking for a specialized training for him in Korea or Switzerland,” aniya.
Nagpapasalamat naman ang coach ni Krog na si Edz Huala sa suportang ibinibigay ng Philcycling sa kanyang atleta at ng Powerball marketing and Logistics Corp. Ayon sa kanya mahaba habang pagsasanay ang plano nilang isagawa para kay Krog at sa iba pang batang siklista. gayung ayaw nilang isabak sa pangmalakasang torneo ang bata habang hindi pa ito salang sala.
“Ang plano namin, itrain pa siya ng itrain, at wag muna siya isabak sa pang pro na tournment hanggan’t under 23 pa siya kasi baka mabigla ang bata e,” ani Huala.