Ni Ric Valmonte
“DARATING ang panahon na hindi na makapangyarihan ang China at pasasalamatan natin ito para sa mga isla dahil ang Pilipinas lamang ang legal na makapagpapatayo dito,” wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Iyon daw huwad na mga isla na binuo ng China ay magiging atin na kapag napakiusapan natin na lisanin na nila ang mga ito. Ang tinutukoy ni Roque ay ang pitong batuhang-ibabaw (reef) na inaangkin ng ating bansa na ginawa na ng China na pansamantalang isla.
Inayos niya ang mga ito at binuong military facilities para sa kanyang mga base militar. Nagawa na ng China ito, courtesy of President Duterte. “Ano ang gagawin ko, may laban ba tayo kung makikipag digmaan tayo sa China,” sagot ng Pangulo sa kanyang mga kritiko na hinihikayat siyang ipagtanggol ang bansa laban sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea. Ipinagigiit sa kanya ang pagsunod ng China sa napanalunan nating desisyon sa UN Arbitral Tribunal na ang Pilipinas ang siyang may kapangyarihan at karapatan sa lugar na ito. Pero ang nangyari, sa halip na gawin niya ito, kinwarta na lang niya ito.
Ito ang nais paimbestigahan ng Senado sa isang resolusyong inihain ni Sen. Bam Aquino. At ito rin ang nais na mangyari ni Sen. Win Gatchalian tungkol sa laging binabanggit ni Pangulong Digong na kanyang “gentleman’s agreement” sa China. Ang ipinaalam lang ni Roque sa sambayanan ay ang pangako umano ng China sa Pangulo na hindi na gagawa ng pansamantalang isla partikular sa Panatag Shoal na mayaman sa lamang dagat. Paano iyong mga nagawa nang isla na may mga military facilities na at nakahanda nang maging base militar ng China sa bahaging ito ng ating bansa? Kaya, ang nais malaman ni Sen. Gatchalian, sa pagsuporta niya sa resolusyon ni Sen. Aquino, ay kung saklaw ba ito ng “gentleman’s agreement”? Ano naman ang pakinabang ng bansa dito?
Kung totoo na ang kapalit ng animo’y pagbibigay ng pahintulot sa China ay ang gastusan nito ang mga imprastruktura na nasa kasagsagan na ang pagpapatayo sa ating bansa sa ilalim ng programa ng Pangulo na Build, Build, Build, wala nang pag-asa pang makuha natin ang nasakop na ng China sa West Philippine Sea. Uri kasi itong commercial loan na napakataas ang tubo at overpriced pa ang ginagawang imprastruktura. Sa akala ninyo ay mababayaran pa natin ito? At ibabalik ba sa atin ng China ang nasakop niya kahit hindi pa tayo bayad?
Kapag hindi pa napigil ang China na maitanim niya ang base militar dito, napakahirap na lalong maibalik pa ito sa atin. Titulo na lamang ang ating panghahawakan, iyong desisyon ng UN Arbitral Tribunal. Ganito ang kalagayan natin sa inangking teritoryo ng Malaysia, ang Sabah. Mga dokumento na lang ang nasa ating kamay. Titulo sa Sabah at ebidensiyang pinarentahan ito ng Sultan sa Inglatera nang sakop pa nito ang Malaysia. At kung matayuan pa ng China ng base militar sa kanyang nasakop na, nakakaawa tayo. Base militar ng China sa hilaga, base militar ng America sa timog. Ginawang larangan ng mga dambuhalang bansa ang napakaliit nating bansa.