Ni Ariel P. Avendaño

BALER, Aurora - Aabot sa 252 piraso ng iba’t ibang troso ang nasamsam ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa magkahiwalay na anti-illegal logging operations sa Baler, Aurora, kamakailan.

Sa report ng DENR, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng namataang 16 na illegally-cut lumber sa Aurora State College and Technology (ASCoT) campus, kung saan ipinatatayo ang expansion building ng paaralan.

Ang 236 pang troso ay nakumpiska naman sa isang cooperative furniture shop sa Sitio Munting Gasang sa Baler.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nilinaw naman ni Atty. Ricardo Lazaro, provincial director ng DENR, na mananagot sa forestry law ang contractor ng proyekto ng eskuwelahan dahil pamahalaan ang nagpondo sa nasabing pagawain.

“Papaanong nailusot ng contractor ang paggamit ng illegal na source ng mga kahoy sa pamunuan ng ASCoT?,” pagtatanong pa ni Lazaro.

Ipasasara naman ng DENR ang furniture shop, bukod pa ang haharapin nitong kasong kriminal.