NADUROG ang damdamin ng mga manonood sa mismong Araw ng mga Puso dahil kung kailan pa naman muling nagkita sina Cardo (Coco Martin) at Alyana (Yassi Pressman) ay saka pa nagtapos ang kanilang pagsasama sa FPJ’s Ang Probinsyano.

YASSI AT COCO copy copy

Umabot na sa sukdulan ang pagtitiis ni Alyana para sa asawang si Cardo kaya nagdesiyon siyang tapusin na ang kanilang ugnayan. Nangyari ito nang malagay sa panganib ang buhay ni Alyana nang habulin siya ng mga hindi kilalang bandido, at sa halip na si Cardo ay si Marco (JC Santos) ang dumating para iligtas siya.

Sa muling pagkikita nina Alyanna at Cardo, sinariwa nila ang lahat ng masasayang araw sa kanilang pagsasama at maging ang kanilang pangako sa isa’t isa. Ngunit hindi naging sapat ang mga ito upang panatilihin pa ang kanilang relasyon dahil mas pinili ni Alyana ang kaligtasan ng kanyang buhay at pamilya.

Lolit Solis, sad sa resulta ng eleksyon para kay Bong Revilla

Maraming manonood ang natangay sa madamdaming eksena at ibinahagi nila ang kanilang paghanga sa mahusay na pagganap ng nina Coco at Yassi.

“Nasa huli talaga ang pagsisisi. Masakit na aral para kay Cardo, pero kailangan ipaglaban niya si Alyana hanggang sa huli,” sabi ng Twitter user na si @JohnRonP.

“Puno ng kirot at kurot sa damdamin! Yung line na ‘tapusin na natin...’ ang bigat! Ang sakit,” tweet naman ni @AnneDeTorres.

“Sa loob ng halos dalawang taon niya sa ‘Probinsyano,’ ang laki na talaga ng improvement ni Yassi sa pag-arte.

Talagang nakakasabay na siya kay Coco,” komento naman ng YouTube user na si John Gonzales.

Tinutukan din ng mas maraming manonood ang naturang episode na nagkamit ng national TV rating na 38.4%, kumpara sa katapat nitong Sherlock Jr. na nakakuha lang ng 17.5%, ayon sa datos ng Kantar Media.

Tutukan gabi-gabi sa ABS-CBN ang maaaksiyong tagpo sa Ang Probinsyano, ang nangungunang serye sa bansa. Para mapanood ang past episode ng palabas, mag-log in lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.