Ni PNA

SINIGURO ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga overseas Filipino worker (OFW) na pinauwi mula sa Kuwait, lalo na ang mga magulang na kasama ang kanilang mga anak, na mabibigyan sila ng tulong sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng kagawaran.

Sa isang panayam, sinabi ni Perlita Panganiban, DSWD officer-in-charge Social Welfare Attaché Officer, na sa pag-uwi ng mga manggagawang Pinoy ay mabibigyan ang mga ina, na kasama ang kanilang mga anak ng P5,000 tulong pinansyal, na iaabot sa mga ito pagdating sa paliparan.

Aniya pa, nakipagtulungan na rin ang DSWD sa mga field office nito para ihatid ang ayuda sa mga tukoy na mga benepisyaryo, sa ilalim pa rin ng nasabing programa, gaya ng tulong sa edukasyon, na susuportahan ng mga kaukulang dokumento na ang kanilang mga anak ay nakapag-enroll.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Our services go beyond providing financial assistance because they will be referred to our regional offices. They will be assessed by social workers and therefore, they would know what needs would be provided when they are in their hometowns,” ani Panganiban.

Sa pamamagitan ng mga inisyal na ebalwasyon, sinabi ni Panganiban na may kabuuang 36 na ina, at kanilang mga anak, ang tinukoy na tatanggap ng tulong.

Sa ngayon, pitong ina at ama na mayroong 12 anak ang nabigyan ng tulong pinansiyal, sa kabuuang P35,000. Marami pa ang inaasahang dadating hanggang sa Pebrero 22.

Inilahad ni Panganiban na tutulungan din nila ang mga OFW para magkaroon ng trabaho at tutulungang makapagpundar ng kabuhayan, sa pamamagitan ng mga proyekto sa komunidad, maging cash-for-work, o food-for-work na sistema.

Samantala, ang mga OFW na hindi mga ina o ama ay tutulungan ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa hiwalay na programa.

Mahigit 300 OFW na pinauwi mula sa Kuwait ang dumating sa Maynila nitong Lunes.

Inutusan na ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Department of Foreign Affairs (DFA) at DoLE, kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno gaya ng DSWD, na ayudahan ang mga pinauwing OFW, na halos lahat ay dumanas ng pang-aabuso.