Ni Gilbert Espeña

ITATAYA ng walang talong si OPBF light flyweight champion Edward Heno ang kanyang titulo kay dating WBO minimumweight titlist Merlito Sabillo sa Pebrero 17 sa Gaisano City Mall, Bacolod City, Negros Occidental.

Ito ang unang depensa ng tubong Benguet na si Heno na gaganapin sa hometown ni Sabillo na hawak naman ang Asian Boxing Federation junior flyweight crown.

Natamo ni Heno ang kanyang titulo nang kotrobersiyal na tumabla muna sa Hapones na si Seita Ogido noong Mayo 21, 2017 sa Nakagami, Japan para sa bakanteng OPBF light flyweight crown.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ngunit, sa kanilang rematch noong Setyembre 10, 2017 sa parehong lugar, pinatulog ni Heno si Ogido sa 7th round kaya naiuwi niya sa Pilipinas ang korona.

Nakuha ni Sabillo ang WBO minimumweight title nang patulugin si Colombian Luis dela Rosa noong Marso 9, 2013 sa lungsod ng Cerete at naipagtangggol niya ang titulo kina Jorlie Estrada ng Mexico at Carlos Buitrago ng Nicaragua sa mga depensa sa Pilipinas.

Naagawan siya ng korona ni Mexican Francisco Rodriguez Jr sa Monterey, Mexico via 10th round TKO noong Marso 22, 2014 at nagtala ng dalawang panalo at tatlong talo bago pinatulog si Indonesian Jack Amisa sa 3rd round para matamo ang ABF light flyweight title noong Mayo 27, 2017 sa Bacolod City.

Nakalista si Heno na No. 12 sa IBF, No. 13 sa WBA, No. 14 sa WBC at No. 15 sa WBO taglay ang rekord na 11-0-5 win-loss-draw na may 5 panalo sa knockouts samantalang No. 12 si Sabillo sa WBO rankings na may kartadang 27-4-1 na may 13 pagwawagi sa knockouts.