Ni Erik Espina
PATUNG-PATONG na tanong ang bumabagabag sa madlang bayan. Tumitindi ang pondahan kung alin ang tamang hakbang at tuwid na paraan sa Charter-Change (Cha-Cha).
Hindi madali ang basta na lang mag-basura ng Saligang Batas, at magpalit ng porma ng gobyerno na animo’y namimili ng bagong gayak sa Divisoria, o nagpapalit lang ng medyas. Paniwala ng mga lider sa pulitiko, kada 30-50 taon, iba namang konstitusyon at sistema ng pamamahala ang susubukan natin. Ano tayo, eksperimento? Pinapalitan at ginagawang tikiman ng samut-saring konstitusyon? May bigwas pa ng ilang taga-suporta ng federalismo na sa ilalim ni Pangulong DU30, ay dapat na maisakatuparan dahil kapag pinalampas, hindi na mangyayari.
Kung ganap ang naisin ng sambayanan na yakapin at maipatupad ang federalismo, kahit sino pa ang presidente at aling panahon pa yan, walang makakapigil sa proseso ng demokrasya at “people power”. Ang tanong lang ay, kagustuhan ba talaga ni Juan de la Cruz ito? Mainam pa kung sa Amerika. Ang kanilang Saligang-Batas ay mula pa noong 1788. Hindi magulo ang isip nila, na akala mo ay tipaklong. Talon ng talon at hindi mapakali sa sarili.
Sa ilang daang taon, 33 pag-amyenda lang ang naipatupad para sa mga repormang kailangan. Tayo? Buslo agad ang Konstitusyon! Laging bagong putahe. Ang problema pala ay ang nagmamaneho at hindi ang sasakyan. Kung ako lang, ito ang mga susog: 1) Ibalik sa dating apat na taon na may isang re-election president at VP; 2) Ibalik sa apat na taong termino para sa lokal at kongresista, hanggang tatlong balik, na abot sa 12 taon tulad Senador; 3) Panawagan mula sa Katimugan, ang 24 na pwesto sa Senado ay gawing patas. Tig-walo mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Para lahat siguradong may kinatawan sa Mataas na Kapulungan, lalo na sa Mindanao.
Lalong uunlad ang lugar kasabay ng paghupa ng kaguluhan doon. Dapat lumad sa nasabing lugar ang mga kandidato.
Subalit ang botohan, buong bansa pa din. Ang bawat halalan ay nakatuon lang sa kada pulo. Bakit walo at hindi 12?
Upang may quorum para makapagtrabaho pa din ang Senado. Tutol ako na dagdagan ang bilang ng mga senador dahil lolobo ang gastusin, at maaaring pati rin ang nakawan. Mas madaling maunawaan ng lahat ito, at siguradong isusulong at ipapasa agad sa plebisito. Agree kayo?