Ni REGGEE BONOAN

HIGH na high pa rin si KZ Tandingan, nang ekslusibong makapanayam sa internal mediacon ng ABS-CBN nitong Martes ng hapon, sa nasungkit niyang 1st place sa 5th episode ng Singer 2018 sa China nitong nakaraang weekend.

Hindi makapaniwala si KZ na nanalo siya sa unang sabak pa lamang niya bilang challenger sa show at tinalo pa niya ang sikat na si Jessie J ng United Kingdom na consistent na nasa mataas na puwesto.

JESSIE J AT KZ copy

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Tatakbo ang Singer 2018 sa loob ng 14 episodes, nagsimula noong Enero 12 at tatagal hanggang Abril 20. Sa natitirang siyam na episodes, goal ni KZ na hindi mawala sa top 7 para dire-diretso siya hanggang finals.

Ang Singer 2018 ay nagsimula noong 2012 (I Am Singer ang dating titulo) at umeere sa Hunan Television produced ni Hong Tao pero walang binabanggit na premyo sa mananalo.

Pero sa kawalan ng premyo ay maraming sikat na singers mula sa iba’t ibang bansa ang sumasali sa Singer 2018 sa kagustuhang ma-penetrate ang China na alam naman ng lahat na napakalaking market pero mahirap pasukin.

Kaya laking gulat ni KZ nang ipatawag siya ng ABS-CBN management para ipaalam na hinahanap siya ng executive ng Singer 2018 para mag-audition. Napanood pala kasi ng mga ito ang mga music video niya.

May sakit at nasa dressing room ng ASAP si KZ nang tawagan siya ng handler niya para papuntahin sa Showtime studio.

Sinalubong siya roon ng ABS-CBN chief operating officer na Ms. Cory Vidanes at ni Direk Laurenti Dyogi na head ng TV production.

“In-explain nila na mayroong audition on that day, na nandito ‘yung taga-Hunan TV at may audition daw para sa ganitong show. Hindi ko naiintindihan nu’ng time na ‘yun kasi may sakit ako.

“Familiar naman ako sa show kasi may mga viral videos na, pero hindi ko na-realize na ‘yung show na ‘yun pala ‘yung sinasabi nila. Noong una, naghi-hesitate ako kasi siyempre ‘pag audition kailangang ready ka, prepared ka. ‘Tapos sabi nga nila na kung puwede akong mag-audition ngayon.

“Kaya pinapunta na namin ‘yung guitarist ko ‘tapos nag-audition na nga ako, saka lang nila na-explain kung para saan ‘yung audition ko. Kaya sabi ko, ito pala ‘yung show na ‘yun.

“Then isang buwan na ang nakaraan nu’ng nagpadala ako ng recordings ko. Hindi ako nag-expect ng kahit na ano kasi alam ko, isa lang ‘yung hinahanap nila sa buong Asia ‘tapos mayroon din silang nahanap na artist from UK. ‘Tapos tumawag na sa akin si Sir Jeff (Vallido, vice president ng Cornerstone) na, ‘O, ready ka na, punta na tayo ng China.’

“Kaya overwhelming, hindi ako makapaniwala, kaya panay ang text ko sa manager naming si Sir Erickson (Raymundo) na, ‘Sir, sure na po ba, baka puwede pa po tayong umatras, kasi nakakalula kasi everytime na pinapanood ko ‘yung episodes, sumasama ang pakiramdam ko, parang magkakasakit ako.

“Kaya nu’ng nag-decide akong i-pursue ‘yung opportunity na ‘yun, sobrang talon sa bangin. Kasi, siyempre, unang-una sa lahat, I’ve never had a chance to perform in China before, hindi mo alam kung ano ‘yung ii-expect mo, hindi mo alam kung gusto nila o magugustuhan nila ‘yung pagka-odd ko as a performer.

“Pero the moment na lumabas ako sa dome nila, may mga ilaw, lahat ng audience were on their feet and clapping and welcoming me at nakilala na nila so, sobrang thankful sa opportunity kasi pumunta ako roon nang walang ini-expect,” kuwento ni KZ tungkol sa journey niya sa Singer 2018.

Halos wala naman daw pagkakaiba ang taste ng Chinese sa mga Pinoy pagdating sa musika.

“Kung tayong mga Pinoy mahilig sa ballad, ganu’n din sa China, parang mas gusto rin nila ng ballad,” sabi ni KZ.

Personal choice ni KZ ang kinantang Rolling in the Deep kahit na may ibang suhestiyon ang mga taga-Hunan TV.

Ipinagpilitan pa rin niya ang hit ni Adele.

“Kasi may mga kanta na maski gaano kasikat sa atin kung hindi rin pamilyar ang Chinese audience, ayaw nila. Brinaso ko po talaga ‘yung kanta. Sabi ko sa manager ko, whether I make it or not, this is what I’m gonna sing. This is the song that represents me as an artist even in the Philippines. So, kung hindi man nila tatanggapin ‘yun, okay lang kaysa kumanta ako na nag-pretend ako,” kuwento ng Soul Supreme.

Sa usapan pagkatapos ng presscon ay muling tinanong si KZ kung okay lang sa kanya na walang premyo ang sinalihan niyang singing competition.

“Gusto kong i-represent ang OPM sa world stage at gusto kong maging paraan din ito para maraming opportunities na magbukas sa OPM artists,” pahayag ni KZ na tinawag na ‘cute’ ni Jessie J.

Concert style ang konsepto ng Singer 2018.

“Concert set-up na you get to do everything. Ang Chinese audience na nasa loob ng venue ay 500 lahat at sinasala sila. They applied to be part of the audience, kailangan may alam sila sa music and everything kasi magdya-judge sila and iba ang demographics from 10 to 50 (years old), merong nakakapanood and they pay for the tickets. At ‘yung iba sa kanila ay naghihintay for six months to two years bago makapanood, sobrang in-demand na show kaya walang hinihinging tickets.”

Bumuboto ang Chinese audience pagkatapos ng performance ng lahat na singers.

“Meron silang three ballots na ilalagay nila sa boxes kung sino ‘yung top three na gusto nila at dito bibilangin kung sino ‘yung pinakamataas na votes, ‘yun ang pagkakaalam ko,” sabi ng dalagang singer.

At sa natitirang nine episodes ng Singer 2018, “As a challenger dapat sa unang salang ko, hindi ako dapat mag-rank 8, kasi ito na ‘yung pinaka-lowest. So para mag-stay ako, dapat above number 8. Sa second performance ko kukunin ‘yung average ko sa first and second at kailangan pasok ako sa top four, kung hindi, babu na,” kuwento ni KZ.

Tuwing ikalawang linggo ng kumpetisyon ay may challenger at kapag natanggal, may replacement.

“Two singers come in. Si Jessie J ay original member sa first seventh or eigth (season). Coco Lee was part of the second season and she won, past winner.”

Nakakatuwang kumislap ang mga mata ni KZ nang tanungin tungkol kay Jessie J. Parang naiiyak na naman siya dahil fan girl talaga siya ng sikat na singer.

Close na ba sila ni Jessie J pagkatapos ng pagkikita nila sa Singer 2018?

“Feeling ko lang, he-he.... Pero sobrang na-appreciate ko na everytime na nakikita niya ako, ini-encourage niya ako at everytime na magkatabi kami at naghihintay ng results, hinahawakan niya kamay ko kasi alam niyang kinakabahan ako.

Kaya sobra ko siyang na-appreciate. Kahit alam niyang sobrang faney na faney ako sa kanya, she doesn’t make me feel na I’m below her,” say ni KZ.

Gulat na sulat ang Cornerstone artist nang siya ang tanghaling winner ng fifth episode dahil kuntento na siya sa second place dahil nga sa isip niya ay para kay Jessie J talaga ang unang puwesto.

Ayaw ni KZ na matalo niya si Jesse J?

“Hindi, eh! Kasi nga kung makita lang ninyo ang reaksiyon ko kapag nagpe-perform siya, sila (contestants), sila parati ‘yung pumipigil na, ‘beh, masyadong fan na fan ang dating.’

“Siyempre kung ano ako ngayon, napakalaki ng factor ni Jessie J. Kung baga, ‘yung mga kalokohang ginagawa ko sa stage, minana ko lang sa kanya. Naging malaking influence sa akin si Jesse J, pero hindi ko naman siya ginagaya, ang dami kong natutunan sa kanya na ngayon ay ini-incorporate ko sa sarili kong style,” pagtatapat ng dalaga.

Simula nu’ng dumating sa Pilipinas si KZ ay hindi pa siya nakakauwi sa pamilya niya para namnamin ang naging achievement niya sa China.

“Dahil sa technology, everyday kaming nagpi-Facetime pero hindi na ako ang unang nagsabi ng balita kasi naunahan na ako ni TJ (Monderde, boyfriend niya), siya ‘yung nagsasabi ng updates. Kaya nu’ng nag-usap kami (ng pamilya), wala na akong nasabi, binati na nila ako ng ‘congrats’

“’Tapos bago kami magbaba (ng phone) ni Daddy, sabi niya, ‘o, ‘nak, alam mo na, video greet para sa akin from Jessie J, isama mo na rin ang mommy mo kasi magbi-birthday.’ Akala naman nila close na close kami ni Jessie J,” natatawang sabi ni KZ.

So, hindi pa ba sila nagkukuhaan ng contact numbers ng English singer?

“Hindi po, nahiya ako,” kaswal na sabi.

Dahil tinalo niya si Jessie J, pakiramdam ba niya pinapanood nito ang videos niya?

“Hindi ko nga po alam, wala nga panahong matulog ‘yun, eh. Kung ako nga pagod din ang lapit lang ng Pilipinas sa China, how much more siya sa pauwi-uwi ng LA (Los Angeles, USA) ‘tapos may mga shows at gigs pa. RM (road manager), alam?” natawang punchline ni KZ. “Sobrang bait po talaga niya, walang kabahid-bahid na nakikipag-compete.”

Sa susunod na pagkikita raw nina KZ at Jessie J ay ipapanood niya ang Your Face Sounds Familiar performance niya ng Price Tag with prosthetics.

“Dapat ipapakita ko talaga, eh, ang hirap kasi ng internet doon, illegal. Bawal ang Facebook, Google, lahat... wala ring IG,” say pa.

Open si KZ sa offers sa China kung kinakailangan niyang manatili roon. Sa ngayon, ang offer lang ay para i-promote ang Singer 2018.

Tikom ang bibig ni KZ kung sinu-sino ang iba pang local singers na nakasabay niyang nag-audition sa Singer 2018 pero kilala naman daw lahat.

Sa katapusan ng Pebrero ang balik ni KZ sa China at nakapag-tape na raw sila ng ilang episodes pero hindi naman binanggit kung nanalo o pumuwesto siya.

Pero nang banggitin naming, ‘KZ, feeling ko ikaw ang mananalo, ikaw ang mag-uuwi ng titulong Singer 2018.’

“Hala, coming from you, salamat po!” nakangiting sabi sa amin ng bulilit at cute nga na alaga ng Cornerstone.