Ni Bonita L. Ermac

ILIGAN CITY - Naging emosyonal ang isang graduating senior high student nang makita niyang naaabo ang pinasukang Sto. Niño Academy sa Barangay Mahayahay sa Iligan City, nitong Martes ng hapon.

Pagbabalik-tanaw ni Pia Saramosing, 18, nag-aaral na siya sa nasabing paaralan simula pa noong Grade 2, kaya naman marami siyang alaala sa eskuwelahan.

Kuwento ni Saramosing, hindi lang siya naging disiplinado kung hindi nabigyan pa siya ng de-kalidad ng edukasyon sa nasabing eskuwelahan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kadikit lamang ng paaralan ang tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI), na natupok din, habang bahagya namang nasunog ang lumang museum ng lungsod.

Pag-amin ni NBI chief, Atty. Abdul Jamal Dimaporo, malaki ang epekto ng insidente sa operasyon ng ahensya dahil pansamantalang suspendido ang lahat ng transaksiyon nito sa publiko, katulad ng pagpapalabas ng clearance.

Hindi pa, aniya, matukoy ang eksaktong halaga ng naabong kagamitan ng NBI, at humiling na sila sa regional office ng Mobile Clearance Issuance.

Inabisuhan naman ni Dimaporo ang publiko na magtungo sa NBI District Office sa Ozamiz, Pagadian, Cotabato o sa Cagayan de Oro City upang makakuha ng clearance.

Tinaya ng Bureau of Fire Protection (BFP) na aabot sa P1 milyon ang halaga ng naaabong kagamitan.