Ni REGGEE BONOAN
PARA sa mga bagets o millennials ay ang pelikulang My Fairy Tail Love Story nina Elmo Magalona at Janella Salvador ng Regal Entertainment, tiyak na mapapangiti kayo sa cute na love story.
Kuwento ng dalagang si Chantel (Janella) na isinumpang magkaroon ng buntot ng isda dahil maldita at sinira ang magagandang coral sa dagat. Ang solusyon para bumalik siya sa normal ay mahalikan siya ng lalaking nagmamahal sa kanya ng tapat.
Type na type ni Chantel (Janella) si Kiko Estrada na mahal din naman siya pero hindi nito kayang iwan ang buhay sa lupa dahil ang sabi ng matanda na dating sirena, kapag hinalikan ng binata ang dalaga ay magiging siyokoy naman ito.
Ibig sabihin, sa dagat na siya maninirahan kaya iniwan si Chantel ng binata.
Kung sino pa ‘yung tunay na nagmamahal sa iyo at nasa tabi mo lang ay hindi mo nakikita, ganito ang kuwento nina Chantel at Noah (Elmo).
Hindi kasi inaamin ni Noah na mahal niya ang dalaga na inakala namang kaibigan lang na nagmamalasakit sa kanya kaya naging shoulder to cry on niya sa lahat ng bagay.
Naging hopeless na si Chantel at ipinaalam na sa mga magulang niya (Dimples Romana at Dominic Ochoa) ang nangyari sa kanya at kailangan na niyang manirahan sa dagat.
Sinabi rin niya ito kay Noah na finally ay umaming mahal siya kesehodang may buntot o wala at nangakong hindi siya iiwan at magbabago ang pagtingin.
Pero hindi naniwala si Chantel na nadala na sa pangako ng dating kasintahang si Kiko na hindi naman tumupad na hindi siya iiwanan.
Pero napatunayan ito ni Noah nang sundan si Chantel sa dagat at ginustong magkaroon na rin ng buntot para tuluyan na silang magkasama.
Aliw din ang karakter ni Kiray na in love kay Noah pero hindi naman siya type. Kaya naghanap na lang ito ng ibang magmamahal sa kanya at mamahalin niya rin.
Natawa rin kami pati sa Yaya Kakai Bautista ni Chantel na naging stepmom niya dahil nagkagustuhan ito at ang daddy niya.
Feel-good movie at nakaka-in love ang My Fairy Tail Love Story at maaalala ninyo sa pelikulang ito ang foreign movies tungkol sa mermaid. Nagustuhan namin ang pagkakakuwento at direksiyon ni Perci M. Intalan for Regal Entertainment at IdeaFirst Company.
Marami ang nakapansin na parehong blooming sina Elmo at Janella sa pelikula at halatang hiyang sa kanila ang pangangalaga ng isa’t isa.
Sa cast party ay gusto sana naming paaminin sina Elmo at Janella sa tunay na relasyon nila pero halatang umiiwas na mapag-usapan ito. Sa ikinikilos ng dalawa, e, hindi na nila kailangang umamin pa dahil halatang-halata namang in love sila.
Samantala, nagulat ang lahat sa pagsulpot nina Liza Soberano at Julia Barretto sa premiere night ng My Fairy Tail Love Story. Nakakatuwa na nagsusuportahan ang magkakaibigan sa kani-kanilang project.
Pagkatapos ng pelikula ay dali-daling lumabas ang dalawang sikat na youngstars dahil ayaw nilang agawan ng eksena sina Janella at Elmo.
Binigyan ng Grade B ng Cinema Evaluation Board o CEB at Rated G naman ng MTRCB ang My Fairy Tail Love Story kaya masaya sina Mother Lily Monteverde at Ms. Roselle Monteverde-Teo.