Ni Vanne Elaine P. Terrazola
Nais ipatigil ni Senator Ralph Recto ang panukalang itaas ang contribution rate ng mga miyembro ng Social Security System (SSS).
Idinahilan ni Recto na kinakailangan munang dumaan sa kumprehensibong pag-aaral ang Social Security Law at ang SSS charter.
Ito ang layunin ng inihain ni Recto na Senate Resolution No. 621, na aniya’y humihiling sa Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises na manguna sa masusing pag-aanalisa sa naturang usapin.
Ang imbestigasyon, aniya, sa mungkahing SSS contribution rate increase na “in aid of legislation” ay magrerekomenda rin na suspendihin muna ang implementasyon ng nasabing panukala
hanggang hindi ito nabubusisis ng Senado.
Matatandaang inihayag ng SSS na plano nitong taasan ang kontribusyon ng mga miyembro sa 14 na porsiyento mula sa dating 11 porsiyento sa Abril ngayong taon, upang mapalaki ang koleksiyon at mapahaba pa ang buhay ng pondo ng ahensya.