Ni Annie Abad

NAKATAKDA ang executive board meeting ng Philippine Olympic Committee (POC) bukas Pebrero 15 upang talakayin ang sigalot sa liderato at ang nakatakdang eleksyon sa Pebrero 23.

Bukod sa nasabing pagpupulong nakatakda ring magsagawa ng “extraordinary meeting” ang kumite sa Pebrero 19 (Lunes) upang pag-usapan naman ang eligibility ng mga kakandidato para sa pagiging presidente ng grupo POC.

Ito ay bilang pagtalima ng POC sa utos ng Pasig Regional Trial Court na nagutos na magsagawa ng panibagong eleksyon sa pagka president at chairman para sa nasabing kumite na nagpawalang bisa din sa naunang eleksyon noong 2016 kung saan naihalal na presidente si Jose Cojuangco Jr.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

Ito rin ang iminunghahi ng International Olympic Committee (IOC) sa POC upang maayos ang suliranin sa liderato ng kumite matapos magpadala ng liham para maresolba ang isyu.

Ngunit, ayon kay Cojuangco pag-aaralan pa rin nila ang liham na ipinadala ng IOC at susuriing mabuti kung ano ang makabubuti para sa lahat.

“We will read it thoroughly and try to understand,” ani Cojuangco sa panayam.

Ikinatuwa naman ng matinding katunggali ni Cojuangco na si Association of Boxing Alliance of the Philippines (ABAP) president Ricky Vargas ang ginawa ng IOC.

Ayon sa kanya masaya siya dahil sa wakas ay naisipan ng POC na sumunod sa batas ng korte sa pamamagitan ng pagsasagawa ng panibagong eleksyon para sa liderato.

Si Vargas din ang siyang humamon kay Cojuangco noong 2016 sa pagka pangulo para sa POC ngunit hindi siya pinayagan ng Comelec batay umano sa eligibility.

Samantala, ito na ika-labing apat na taon ni Cojuangco sa puwesto kung mapagwawagian niyang muli ang eleksyon sa isang linggo.

Unang naupo sa puwesto si Cojuangco noong 2004 at pinalitan niya sa puwesto ang dating fencing president na si Celso Dayrit.