Ni Bert de Guzman
TALAGANG matapang at palaban si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) nang ipahayag niya na handa niyang harapin ang preliminary examination ng International Criminal Court (ICC) at handa ring pabaril (firing squad) kapag napatunayang guilty siya sa mga akusasyon laban sa kanya.
Si PRRD ay akusado sa crime against humanity bunsod umano ng maramihang pagpatay sa drug pushers at users kaugnay ng kanyang anti-drug war. Handa niyang harapin si ICC prosecutor Fatou Bensouda. Sasabihin daw niya kay Ms. Bensouda: “I would ask for the rare privilege of talking to you. Just the two of us in the room.”
Hahamunin din niya si Fathou na suriing mabuti kung siya ay may kasalanan. “ I welcome you. If you want to find me guilty, go ahead. So be it.” Hanapan daw siya ni Bensouda ng isang bansa na may firing squad at handa siyang pabaril.
Talagang macho, matapang at palaban ang ating presidente.
Iwananan nga muna natin iyan at dumako tayo sa mga isyung panloob. Alam ba ninyong sinisikap ng Duterte admin na pagkalooban ang mga Pinoy ng murang gamot? Pinagtibay ng House committee on trade and industry sa pamumuno ni Iloilo 4th District Rep.Ferjenel G. Biron ang HB 3252 na lumilikha sa “Drug price Regulatory Board” upang maipatupad ang Cheaper Medicines Law para makabili ng murang gamot ang mga mahihirap na pamilya.
Ayon kay Biron, prioridad ng administrasyon na susugan ang RA 9502 (Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008) na hanggang ngayon ay di pa natatamo ang layuning makabili ng murang gamot ang mahihirap na mga Pinoy.
Sinabi ni Biron, pangunahing may-akda, hindi kailangang makipagkumpetensiya sa private interests. “Without government intervention, we will continue to face the same situation wherein 30 percent of what we have pay for medicines goes straight to the pocket of big drugstore chains”, saad niya
Ipinasa rin ng Biron committee ang panukalang ipinalit sa HB 2957 na akda ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Ito ay ang paglalagay ng isang Timbangan ng Bayan Center sa lahat ng pamilihan sa bansa. Sa pamamagitan nito, hindi madadaya ang publiko sa binibili nilang mga produkto dahil kulang sa timbang.
May 11,000 tao ang nasa drug list ng Philippine National Police. Samaktuwid, kung hindi magpapakabuti ang mga ito o hindi iiwanan ang illegal drugs, marami pang papatayin ang mga pulis ni Gen. Bato. May nagtatanong: “Kasama ba sa 11,000 tao ang mga drug lord, drug smuggler, drug supplier, na nagbebenta at nagkakalat ng mga droga sa lansangan, kalye at maging sa mga condo sa mga mansion at subdivision?