Ni Dave M. Veridiano, E.E.
NAGULAT ako sa tanong ng apo kong si David Uno: “Ang Valentine’s Day po ba ang Araw ng mga Puso?” May halong biro ang sagot ko habang kalong ang pusa kong itim na si Neggy: “Oo naman, pero mas gusto ko ang Araw ng mga Pusa!” Dinampot niya ang unan niyang si Micky Mouse sabay sabing: “Gusto ko Araw ng mga Daga!”
May dumulas na ngiti sa aking mga labi, habang sinasabing – “Ako love ko rin ang Araw ng mga Daga!” “Weh…meron ba nun talaga, Papa Dave?” Nagtatakang tanong ng aking apo, sabay bitbit sa unan at pumasok sa playroom niya.
Dito na nagsimulang bumiyahe pabalik ng Dekada 70 ang aking diwa. Sa unang taon na ipinagdiwang namin ng dati kong GIRL FRIEND na si Aymi ang Valentine’s Day noong kami ay Freshman sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Bigla ko kasing naalala ang isang DAGA, na masasabi kong naging saksi sa mga unang buwan ng MATASIM - matamis kapag naglalambingan at maasim kapag nagkakatampuhan - na pagsasama namin ni Aymi, na nagbunga ng apat na mababait na anak at limang makukulit na mga apo.
Ang lahat na yata ng sulok sa makasaysayang lugar ng Intramuros at Luneta Park noon ay naging regular na pasyalan ng mga magkasintahan. Mas lalo sa aming mga estudyante sa PLM dahil malaking katipiran kasi…Lakad lang, konting sitsirya, at diyaryong panapin ang kailangan, sa uupuang sariwang damo sa buong kapaligiran, ay nagkatalo na! Dalawa lang ang mall noon, nasa Makati at Greenhills pa at sobrang magastos doon magdala ng ka-date…Kaya ang naging paborito, ay ang sinasabi ni Rico Puno sa kanyang kanta na – “Namamasyal pa sa Luneta ng walang pera!”
Unang Valentine’s Day namin noon, nang maupo kami sa sementadong flower box sa gilid ng dating monumento ni Miguel Lopez de Legaspi, na ngayon ay kinatatayuan na ng monumento nina Tita Cory at Ninoy Aquino, sa may kanto ng Bonifacio Drive at Padre Burgos Drive. Dito namin unang naka-enkuwentro ang bubwit na dagang tinawag kong BEN, hango sa pelikulang ang bida ay isang daga na BEN ang pangalan.
Nasa gitna kami nang paglalambingan nang biglang tumili si Aymi…Wala naman akong ginagawang masama – ‘yun pala, may isang bubwit sa halaman sa aming harapan, na waring pinanonod kami.
Sobrang takot sa daga si Aymi, ngunit sa halip na bugawin ko ito ay nakatuwaan kong hagisan ng kapirasong tinapay na baon namin sa pamamasyal. Nilantakan agad ito ng daga at pagkaubos ay agad na nawala…Iyon na ang naging simula ng pagiging saksi ng bubwit na si BEN sa aming love affair.
Sa araw-araw kasing pagdaan at pag-upo namin sa naturang lugar na tinawag naming RENDEZVOUZ ay lumilitaw ang bubwit na si BEN at naghihintay sa inihahagis naming pagkain. Nasanay na rin si Aymi at hindi na siya napapatili tuwing makikita ito, na kalaunan ay lumalapit pa mismo sa aming harapan para kunin ang ibinibigay naming pagkain…Kapag may tampuhan kami ay matiyagang naghihintay si BEN sa ibibigay naming pagkain, na sa wari ko kung makapagsasalita lang ito ay sisigaw ng: “Tumigil na nga kayo sa tampuhan at gutom na ako!”
Pagdaan ng mga araw at buwan, lumaki ng halos isang dangkal si BEN – sagisag na ang dalawang pusong nagpapala sa kanya ay patuloy sa kanilang wagas na pagmamahalan at walang tigil sa pagpunta sa kanilang RENDEZVOUZ…Hanggang sa magka-Martial Law sa buong bansa at isang buwang kanselado ang klase sa mga eskuwela. ‘Di na namin muling nakita sa BEN sa muling pagbubukas ng klase!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]