Ni Genalyn D. Kabiling
Pinamimili kung magbibitiw sa puwesto o haharap sa mga kaso sa korte si Commission on Higher Education (CHEd) Chairperson Patricia Licuanan, ayon kay Pangulong Duterte.
Sinabi ng Pangulo nitong Lunes ng gabi na may dalawang pagpipilian si Licuanan sa katapusan ng Pebrero, matapos niya itong i-dismiss dahil sa umano’y madalas na pagbiyahe at sa pagkaantala ng pagpapalabas ng allowance ng mga iskolar.
“Either she steps down or I will file a case against her. Mamili siya,” sinabi ni Duterte sa pagtitipon ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan mula sa Visayas at Mindanao, sa Cebu City.
Nitong nakaraang buwan, nagpasya si Licuanan na magbitiw sa kanyang puwesto, anim na buwan bago matapos ang kanyang termino sa Hulyo.
Inihayag noon ni Licuanan na tinawagan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea, at sinabihang magbitiw na sa tungkulin.
Inamin ng Pangulo na dinismis nito sa puwesto si Licuanan subalit hindi nito ibinunyag ang dahilan ng pagsibak sa opisyal.