Ni Manny Villar

BAHAGI na ng ating buhay ang mga makabagong pamilihan na kilala bilang shopping mall. Kapag maalinsangan ang panahon, dito nagtutungo ang mga tao upang takasan ang init at bumili ng malamig na inumin. Dito nagtatagpo ang mga magkakaibigan upang manood ng pelikula sa mga makabagong sinehan. Narito rin ang mga ibig makakita ng trabaho sa mga kumpanyang business process outsourcing (BPO).

Bukod sa mga tindahan, nasa loob ng mall ang lahat ng maaaring hanapin, gaya ng kainan, libangan, gym, klinika at maging kapilya. Sa gabi, magandang magsalo ang mga pamilya sa isang hapunan sa piling restoran.

May mga taong sa loob ng mall ginagawa ang kanilang trabaho. Ang iba ay dito inilalagak ang kanilang sasakyan bago magtungo sa kani-kanilang opisina. Hindi na nga pamilihan ang mga mall; naging sentro na ito ng komunidad.

Ang unang mall sa Pilipinas, ang Crystal Arcade, ay itinayo noong 1932 at dinisenyo ng arkitektong si Andres Luna de San Pedro, anak nina Juan Luna at Paz Pardo de Tavera. Ito ay may air condition at naglalaman ng mga mamahaling tindahan, kapihan at ng Manila Stock Exchange.

Ngayon, mahigit 150 mall ang matatagpuan sa Metro Manila at sa iba pang lungsod sa bansa. Ang mga ito ang naging makabagong plaza kung saan nagtatagpo ang mga tao para maglibang o para magnegosyo.

Ito ang aking naging pananaw ng magsimula kaming magtayo ng mall. Ibig kong maging isang lugar ito kung saan magiging komportable ang mga tao at kanilang mga pamilya at kaibigan, sa halip na simpleng gusali lamang.

Ito ang prinsipyo sa pagtatayo ng anim na community Vista mall: ang EVIA Lifestyle center sa Vista City sa Daang Hari, ang Vista Mall Pampanga, Vista Mall Bataan, Vista Mall Santa Rosa, Vista Mall Antipolo, at ang Vista Mall CDO, na may kasama pang biking trail, running paths, and pit stops para sa mga mahilig sa palakasan.

Layunin naming magtayo ng marami pang community mall. Kamakailan ay ipinahayag namin na gugugol kami ng P50 bilyon sa taong ito, na ang malaking bahagi ay gagamitin sa pagtatayo ng mga mall. Mula sa kasalukuyang 22 mall, nais naming magkaroon ng kabuuang 60 mall sa taong 2020.

Bahagi pa rin ito ng pagpapalaki at pagpapalawak ng Vista Land, na ngayon ay may mga proyekto sa 133 lungsod at bayan sa 46 lalawigan, at nakatuon sa pagtatayo ng “communicity,” na pinagsamang tirahan, pamilihan, opisina, paaralan, ospital at libangan.

Sinasalamin ng malakas na paglagong ito ang aming tiwala sa ekonomiya ng Pilipinas at sa industriya ng real estate, na pinalalakas ng remittances ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa at macroeconomic fundamentals.

Kapag dumadalaw ako sa mga Vista mall, naging ugali ko ang maupo sa coffee shop at magmasid sa mga taong nagdaraan:

mga magsing-ibig, buong pamilya o manliligaw na naghahanap ng regalo para sa kanyang sinusuyo. Kung ibig mong makita ang mga mukha ng makabagong Pilipino, pumunta ka sa mall.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)