Ni Clemen Bautista
BUKAS, ika-14 ng Pebrero, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay Ash Wednesday o Miercoles de Ceniza. Simula na ng Kuwaresma o Lenten Season. Ang kuwaresma na hango sa salitang kuwarenta ay ang paggunita sa huling 40 araw ng public ministry o pangangaral ni Kristo bago siya dinakip, pinahirapan, ipinako sa krus, namatay at muling nabuhay hanggang sa matubos ang pagkakasala ng sangkatauhan.
Ang Ash Wednesday ay araw ng fasting o pag-aayuno at abstinence o di pagkain ng karne. Dapat sundin ng mga Kristiyanong Katoliko na ang edad ay mula 18 hanggang 60 taong gulang. Exempted o hindi kasama ang mga maysakit o karamdaman. Libre rin ang mga Kristiyanong Katoliko na mabibigat ang gawain tulad ng mga manggagawa, mga guro, construction worker at iba pang mahirap ang trabaho. Sa mahigit naman na 60 taong gulang, kung kaya ng katawan ay maaari silang mag-ayuno at mag-abstinence o hindi kumain ng karne.
Bilang tradisyon ng Kristiyanong Katoliko, tanawin bukas ng umaga o sa hapon sa mga bayan sa lalawigan at lungsod ang pagsisimba ng mga Katoliko. Magpapalagay sila sa pari o mga lay minister ng tanda o porma ng krus sa noo ng abo ng sinunog na mga palaspas na ginamit noong nakalipas na Palm Sunday o Linggo ng Palaspas. Ang mga palaspas na sinunog bago sumapit ang Ash Wednesday ay mula sa mga parishioner na tumugon sa panawagan ng mga pari sa parokya na dalhin ang mga palaspas na ginamit noong isang taon.
Sa dating liturgy o liturhiya, ang paglalagay ng tanda ng krus na abo sa noo ay sinasabayan ng pari ng mga salitang Latin na “Memento homo, quia pulvis est,et in pulverem reverteris” (tandaan mo tao na sa alabok ka nagmula, kaya sa alabok ka rin magbabalik). Ang tradisyunal na pahayag na nabanggit ay mula sa Genesis 3:19. Ang pagpapalayas kina Eva at Adan sa Paraiso.”Sa pawis ng iyong mukha ikaw ay kakain ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi”.
Nagpapagunita sa atin na tayo ay mortal o may kamatayan. Hindi matatakasan ng tao ang katotohanan ng kamatayan. Gaano man siya kayaman, kadakila, katalino, kaganda, tanyag o nagtataglay man ng kapangyarihan o poder tulad ng Pangulo ng bansa; pandak man siya o matangkad. Ibubunyag ng kamatayan ang kasinungalingan ng tao sapagkat sa kamatayan, lahat ay nauuwi at magiging alabok o abo.
Sa binagong liturhiya ng Simbahan, ang nasabing mga salitang nagpapagunita ng wakas ng tao ay pinalitan ng “Lumayo ka sa kasalanan at isa-buhay ang Ebanghelyo”. Layunin nito na bigyang-diin o bigat ang paanyaya sa buhay na moral o moral life kaysa makalupang wakas ng tao -- ang kamatayan na tinatanggap na isang pandaigdig na katotohanan at paniwala.
Ang paglalagay ng abo sa noo ng mga Kristiyanong Katoliko ay sinimulan at pinahintulutan ni Papa Celestino noong 1191. Sa nakalipas na maraming panahon, ito ay itinuring na isang alamat subalit naging isang kaugaliang Kristiyano kapag sumasapit ang “Ash Wednesday”.
Ang tanda ng krus na abo sa noo ay simbolo na ang tao ay kasama ni Kristo na namatay sa krus. Katulad din ito ng ispirituwal na tanda o marka na inilalagay sa noo ng mga Kristiyanong Katoliko kapag binibinyagan ng pari upang iligtas sa pagiging alipin ng kasalanan at kasamaan at maging alagad ng kabutihan at ni Kristo.
Ayon kay Saint Pope John Paul ll, ang kauna-unahang non Italian Pope at Papa na dalawang beses na nagsagawa ng Pastoral visit sa iniibig natin Pilipinas, ang ritwal ng paglalagay ng abo sa noo sa porma ng krus ay nag-aanyaya sa lahat na magnilay-nilay tayo sa tungkulin ng pagbabalik-loob at sa paggunita sa di-mapigil na kahinaan ng tao na sakop ng kamatayan. Humihimok sa atin na gawin ang lahat upanh maitatag ang kaharian ng Diyos sa ating kalooban at magtagumpay ang Kanyang katarungan.
Ang Kuwaresma na nagsisimula sa Ash Wednesday ay panahon ng pangingilin, pagdarasal, pag-aayuno, pagbabagong ispirituwal, paglilingkod at pagkakawanggawa sa kapwa. At ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na nanawagan na mag-ayuno, ang charity o pagkakawanggawa ay ang “pinakapuso” ng buhay Kristiyano.
Sa panahon ng Kuwaresma, simula na ito ng pagbibigay-buhay sa mga tradisyong Pilipino tulad ng mga Pabasa, Via crucis o Way of the Cross, Pagbasa ng Pasyon, Penetensiya at iba pang natatanging kaugalian kung Lenten season.