Ni Ric Valmonte
“KUNG sinasabi ninyo akong diktador, talagang ako ay diktador. Kung hindi ako kikilos na parang diktador, walang mangyayari sa ating bansa. Iyan ang totoo,” sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa dating komunistang rebelde na inimbitahan niya sa kainan sa Malacañang. Pero, sa Presidential News Desk, ito raw ang sinabi ng Pangulo:
“Kung hindi ako magiging diktador sa istilo ngayon, walang mangyayari sa ating bansa.”
Kailangan pa bang maging diktador para, bilang lider, ay mapatakbo mo ng mahusay ang gobyerno para sa ikabubuti ng lahat? Ang kailangan lang naman ay “leadership by example.” Nilinaw ito ni Mahatma Gandhi nang sabihin niya na “There goes my people, I will follow them because I am their leader”. Maging tapat ka sa iyong sinasabi at pairalin mo ang ipinangako mo upang pagkatiwalaan ka. Hindi ko alam kung ano iyong tinuran ng Pangulo na nangyari sa ating bansa kung totoong diktador o naging diktador siya. Ikinaganda ba ng buhay ng mamamayan?
Totoo, nagkaroon ng katahimikan sa ating bansa nang pairalin ng Pangulo ang kanyang war on drugs. Pero, naging pansamantala lamang. Kasi, ang pamamaraan ay hindi kinatigan ng sambayanan. Bakit nga naman nila papayagan ito, eh pinapatay sila. Samantalang iyong ilegal na droga, na siyang dahilan ng kanilang kamatayan, ay malayang pumapasok sa ating bansa. Malayang nakapasok sana iyong P6.4 billion na shabu dahil sa pamamaraang ginawa ng mga mataas na opisyal ng Bureau of Customs, pero sa halip na papanagutin sila sa batas, inilipat pa sila sa iba’t ibang mataas na pwesto.
Hindi titigil ang pagpatay kung nakalilibre ang gumagawa o nagpapasok ng droga sa bansa. Bulto-bulto ang nasasabat na droga. 53 na naman ang napatay mula nang ang mga pulis ang magpatupad ng drug on war.
Tignan ninyo ang nangyari na sa West Philippine Sea. Malaki na ang nasakop ng China sa bahaging ito na, ayon sa UN Arbitral Tribunal ay ang bansa natin ang may kapangyarihan at karapatan nito. Ginawa na ito ng China na kanyang base militar. Ito ang ipinangako ni Pangulong Digong noong panahon ng kampanya na papasukin niya ito at itatanim ang bandila ng bansa. Nakipagsundo na ang Pangulo sa China kung saan pauutangin ang bansa para sa pagsakop niya sa West Philippine Sea. Kapag nanatili ang kasunduang ito, hindi maglalaon at magiging Borneo ito. Malamang na hindi na natin makuha ito kung nakadepende ang pagsasauli ng China sa kanyang nasakop sa pagbayad ng kabuuang na utang natin sa kanya.
Kung naging diktador man ang Pangulo, ito ang magiging bunga, ang mabawasan na naman ng teritoryo ang Pilipinas. Eh hindi na naman natin mababayaran ang utang.