SA patuloy na paghahanap ng mga paraan upang mapabuti ang serbisyo ng telekomunikasyon sa bansa, nagpanukala ang Department of Information and Communications Technology ng polisiya sa pagkakaroon ng mga common cell site tower upang masolusyunan ang kakulangan ng telecom infrastructure sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang bansa ay mayroong 16,300 communcation tower, kumpara sa 70,000 ng Vietnam. Sinasabing nangangailangan ang Pilipinas ng 50,000 tower upang maihatid ng mga kumpanyang telecom ang serbisyong kinakailangan sa bansa.
Matagal nang nagrereklamo ang dalawang telecom firm sa bansa na ang mga pagsisikap nila upang makapagtayo ng mas maraming cell site sa bansa ay nahahadlangan ng pahirapang pagkuha ng permit mula sa mga lokal na pamahalaan—o sobrang red tape. Ang panukala sa pagkakaroon ng mga common tower ay makatutulong upang maresolba ang problemang ito na ipinaiiral ng mga lokal na pamahalaan, subalit maaari itong mauwi sa pakikialam ng gobyerno sa pribadong operasyon ng mga kumpanyang telecom.
May sariling plano ang mga nasabing kumpanya sa pagpapalawak ng kani-kanilang serbisyo, gaya ng paggamit ng fiber optics sa halip na copper-wire transmission, at pag-aalok ng mga bagong serbisyo, tulad ng streaming ng Netflix videos na maaari lamang maisakatuparan sa pamamagitan ng fiber optics. Subalit ang paghahati ng common tower sa isang karibal sa operasyon ay posibleng magdulot ng mga problema sa dalawang kumpanya.
Malapit nang magkaroon ng ikatlong telecom operator sa bansa, at nagpahayag na ng interes ang mga kumpanya sa China, Japan, Australia, at Taiwan sa imbitasyon ni Pangulong Duterte na magnegosyo sila sa bansa. Sakaling kumpleto na ang operasyon ng tatlong telecom, mararanasan na natin ang kumpetisyong tiyak na magpapabuti sa kasalukuyang lagay ng telecom service sa bansa.
Kailangan ng mga pribadong kumpanya ng higit pang ayuda ng pamahalaan upang mapag-ibayo ang kanilang serbisyo.
Partikular na kailangang mapaluwag ang proseso sa pagkuha nila ng mga permit mula sa mga lokal na pamahalaan para sa kani-kanilang cell site. Hindi marahil sila papaya na kakailanganin nilang umasa sa tower na pagmamay-ari ng gobyerno o ng ibang kumpanya, dahil makaaapekto ito sa sarili nilang mga pagpapasya sa kani-kanilang negosyo.
Sakaling matuloy ang plano ng pamahalaan na magpatayo ng mga common tower, partikular na sa malalayo o magugulong lugar, dapat na hindi nito pagbawalan ang alinman sa tatlong pribadong kumpanyang telecom sa pagkakaroon ng sarili nilang tower at cell site alang-alang na rin sa kumpetisyon para sa mas mabuting serbisyo. Dapat marahil na pag-aralan pang mabuti ang panukalang ito sa common tower policy.