Ni Bert de Guzman

INAMIN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na siya ay isang diktador, gaya ng akusasyon ng kanyang mga kritiko.

Gayunman, nilinaw niya na siya ay diktador lang para sa kabutihan ng bayan.

-0-0-0-

Sa news story noong Biyernes, ganito ang ulo: “Rody: Yes, I am a dictator”. Batay sa ulat mula sa Davao City, sinabi niyang “Oo, totoo ito. Ako ay isang diktador para sa kabutihan ng bayan”. Ipinahayag ito ni PRRD sa harap ng mahigit sa 200 ex-NPA rebels na nagsisuko at kasama niyang kumain sa Malacañang noong Huwebes.

-0-0-0

Sisimulan na ng International Criminal Court (ICC) ang preliminary examination o pangunang pagsusuri sa bintang ng maramihang pagpatay (mass murders) ng Duterte administration kaugnay ng giyera sa illegal drugs. Ang aksyon ng ICC ay bunsod ng komunikasyon na inihain sa ICC noong nakaraang taon ni Atty. Jude Sabio, abugado ni Edgar Matobato, na nagsabing miyembro siya ng kilabot na Davao Death Squad (DDS) na inorganisa ni Mano Digong noong siya pa ang alkalde ng lungsod sa loob ng 23 taon.

-0-0-0

Nais ni Sabio na imbestigahan ng ICC si PDu30 at iba pang mga opisyal/kasama sa mga krimen laban sa sangkatauhan (humanity). Ang mass murders ay kaugnay daw ng pagpatay sa pinaghihinalaang drug pushers at kriminal. Nakapatay umano ang DDS ng may 1,400 tao samantalang sa illegal drug war ay nakapatay naman umano ng may 7,000 tulak at adik. Welcome daw sa Malacañang ang preliminary examination, ayon kay presidential spokesman Harry Roque. Handang harapin ito ng presidente.

-0-0-0

Inaprubahan na ni PRRD ang importasyon ng 250,000 metrika tonelada ng bigas ng National Food Authority (NFA) kasunod ng ulat na kinakapos ng bigas ang bansa. Ayon kay Cabinet Sec. Leoncio Evasco, inatasan siya ng pangulo noong Miyerkules na umangkat ang NFA ng 250,000 metric tons ng bigas. Ang aangkatin bigas ay maaaring bilhin sa Vietnam, Thailand at Laos.

-0-0-0

Mabagsik at mapanuya ang tugon ni Mano Digong sa pahayag ni Joma Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP). Paiigtingin daw ng NPA ang pag-atake laban sa gobyerno at papatay ng isang kawal bawat araw, ayon sa utos ni Joma.

-0-0-0-

“Sige, pumatay kayo ng isang kawal kada araw. Palagay ba niya di ko kayang gawin din ito? Sa military, pumatay kayo ng limang NPA rebels sa bawat sundalong mapatay nila.” Sabi ng aking kaibigan: “Nag-aaway na naman at nagpapatudsahan sina propesor at estudyante. Para silang mga bata.”