Ni PNA

NAIS ni Environment Secretary Roy Cimatu na isailalim sa rehabilitasyon ang mga minahang inabandona at napabayaan na, upang maibsan ang lumalawak na pagkasira ng kalikasan.

Ilang minahan sa bansa ang naiwang nakatiwangwang kaya nais ni Cimatu na maisailalim sa rehabilitasyon ang mga ito, sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Jonas Leones nitong nakaraang linggo.

“He said such areas can’t be left in that condition,” ani Leones.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pagguho ng lupa, polusyon, pagkasira ng tirahan ng mga hayop at paglalaho ng biodiversity ang ilan sa mga maaaring mangyari kapag nagpatuloy pang nakatiwangwang ang mga isinarang minahan, babala ng mga eksperto.

Anila, ang rehabilitasyon ng mga minahan ay layuning mapigilan ang patuloy na pagkasira ng kalikasan, at pagkakaroon ng banta sa kalusugan at pagiging produktibo ng publiko.

Ang rehabilitasyon ng minahan, ayon sa DENR, ay ang proseso ng pagpapanatili ng minahan sa pre-mining na kalagayan nito, at inihahanda ang lugar para maging mas kapaki-pakinabang.

“Contractors and permittees shall technically and biologically rehabilitate the excavated, mined-out tailings covered, and disturbed areas to the condition of environmental safety, as may be provided in the implementing rules and regulations of this Act,” nakasaad sa Republic Act 7942, ang Philippine Mining Act of 1995.

Nakasaad sa batas na kailangang isailalim sa rehabilitasyon ang mga lugar ng minahan sa bansa.

Binigyang-diin ni Leones na ang naturang aktibidad ay isa sa mga prioridad ng DENR sa ilalim ng pamumuno ni Cimatu.

Una rito, inihayag ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR na may 31 minahan sa bansa ang inabandona na, hindi aktibo o kaya naman ay sarado.

Isa ang Bagacay mine sa Samar island sa mga ito, ayon sa MGB.

Sinimulan na ng MGB ang rehabilitasyon sa Bagacay mine, na inabandona noong 1992.

Noong nakaraang taon, inihayag ng MGB-Region 9 na kailangan ding isailalim sa rehabilitasyon ang inabandonang Zambales Base Metal mine sa Zamboanga City.

Samantala, ipinakita sa pinakabagong datos ng mga kumpanya ng minahan noong Disyembre 2016 na halos P25 bilyon ang nakalaan para sa proteksiyon ng kapaligiran at rehabilitasyon nito.

Nangako rin ang mga kumpanya noong Hulyo 2017 ng aabot sa P14 bilyon halaga para sa social development at pangangasiwa kani-kanilang komunidad at mga kalapit na lugar.

Nakasaad din sa RA 7942 na kailangang makalikom ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga minahan, batay sa inaprubahang work program ng mining contractor.