Nina FRANCIS T. WAKEFIELD at MIKE U. CRISMUNDOat ulat ni Freddie G. Lazaro
Napatay ng tropa ng pamahalaan ang isang platoon commander ng New People’s Army (NPA) at dalawa pang rebeldeng mandirigma sa magkahiwalay na engkuwentro sa Agusan del Sur at Abra, nitong Linggo.
Napatay sa bakbakan sa Sitio Vergara, Barangay Sta. Emelia sa Veruela, Agusan del Sur nitong Linggo ng hapon si Levi Amando Bangonan, alyas “King”, umano’y platoon commander ng Samahang Yunit Pangpropaganda at guerilla-Front Committee 3 sa CPP-NPA Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), habang hindi pa nakikilala ang kasamahan nitong napatay din.
Sinabi ni Capt. Rodolfo Cordero, tagapagsalita ng Civil Military Operations (CMO) ng 401st Infantry (Unity) Brigade, na hindi naman nila matiyak ang dami ng miyembro ng NPA na nasugatan sa nasabing bakbakan.
Narekober ng militar sa pinangyarihan ng engkuwentro ang walong backpack na may medical supplies, personal na gamit, dalawang improvised explosive device (IED), at mga subersibong dokumento.
Linggo ng umaga naman nang sumiklab ang bakbakan ng militar sa NPA sa Barangay Ud-udiao, Sal-lapadan, Abra.
Sa report ng 24th Infantry Battalion ng 7th Infantry Division ng Philippine Army (PA), dakong 7:30 ng umaga at nagpapatrulya ang Charlie Company sa Sitio Mabongtot nang mangyari ang sagupaan.
Bigla umanong pinaputukan ng mga rebelde ang mga sundalo, na nauwi sa bakbakan.
Hindi pa nakikilala ang napatay na rebelde, habang nakasamsam naman sa lugar ng tatlong M16 rifle, isang carbine, at isang Icom radio.
Walang naiulat na nasaktan o nasawi sa panig ng pamahalaan.
Samantala, pitong kaanib ng NPA ang sumuko sa Northern Luzon sa Rizal, Cagayan nitong Sabado.
Hindi muna binanggit ang mga pangalan ng mga rebelde na boluntaryong sumuko sa 7th Infantry Battalion ng 5th Infantry Division sa Rizal, Cagayan.