ni Dave M. Veridiano, E.E.
ANG hirap talagang intindihin nang nakagawian ng karamihan sa mga liderato sa ating bansa na palaging sumasalungat kahit na positibo ang proyekto na gagawin pa lang o natapos na ng kanilang kalaban sa puwesto, negosyo at lalo na sa pulitika…Kesehodang ang makikinabang dito ay ang mamamayang Pilipino!
Matatandaang sa huling State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ay sinabi niya na pagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagbubukas ng mga bagong oportunidad upang makapagbigay ng hanap-buhay sa ating mga kababayan.
Ngunit sa kabila nito, kapansin-pansin na tila may mga miyembro ng ilang maimpluwensiyang grupo, na ‘di ko maintindihan kung bakit gumagawa ng mga pagkilos, na pumipigil at humahadlang ng lubusan sa mga pangkabuhayang proyekto ng pamahalaan…Sana naman, ang mga ganitong kapaki-pakinabang na proyekto para sa mga kababayan natin, ay huwag nang harangin, bagkus ay bantayan na lamang at kung papunta na sa kalokohan, saka kastiguhin.
Gaya nitong mga sumbong at reklamong natanggap ng IMBESTIGADaVe sa pamamagitan ng text message at pagtawag sa telepono, mula sa ilan nating tagatangkilik na mambabasa na mga naninirahan sa Zambales laban sa isang grupo na nagtatago pa umano sa grupong Concerned Citizens of Sta Cruz, Zambales (CCSC) at isang mataas na opisyal ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Pamoso sa mga sumbong na natanggap ko ay ang mga pangalan nina Benito Molino ng CCSC at Danilo Uykieng ng MGB – na umano’y pilit hinaharang ang planong pagtatayo ng malaking processing plant ng Ferro-Nickel sa Munisipalidad ng Candelaria.
Ang proyekto, na ginagarantiyahan ng mga eksperto sa pagmimina na umano’y magiging isang huwaran sa pagiging environment-friendly. Ito ay sigurado umanong mag-aangat sa estado ng pamumuhay sa buong komunidad, at maging sa buong lalawigan ng Zambales, sa pamamagitan ng trabahong maibibigay nito sa mga Zambaleño.
Anang isang texter: “Matagal na po naming inaasam-asam ang proyektong ito dito sa aming lugar, pero mabubulilyaso pa yata dahil sa pagharang na ginagawa ng mga taong nagpasasa noon ng limpak-limpak na salapi mula sa mga ilegal na miners sa lalawigan!”
May mga sumbong pa na idinetalye ang mga nauna nang reklamo laban kay Uykieng na isinampa ng mga taga-Zambales sa Ombudsman.
Si Uykieng ay pinasususpinde at pinakakasuhan ng mga environmentalists at residente ng Sta. Cruz, Zambales sa tanggapan ng Ombudsman, dahil umano sa alegasyon ng kurapsyon nang payagan niya ang ilegal na pagmimina at sirain ang kalikasan kapalit ng malaking halaga noong siya ang MGB Region 3 director mula 2011 hanggang 2015.
Sa isang bahagi ng naturang reklamo ng mga magsasaka, inakusahan si Uykieng nang umano’y pagpapabaya sa tungkulin nang hayaan niya ang mga kumpanya ng minahan na magsagawa ng “strip mining” na sumira sa kabundukan at sakahan ng Sta. Cruz.
Kaya nga ang muling paglutang na ito ni Uykieng ay mainit na pinag-uusapan sa buong lalawigan dahil nabaligtad na umano ang sitwasyon, dahil sa ang dating protektor ng mga ilegal mining na may kinakaharap na reklamo sa Ombudsman, ay siya naman ngayong kumokontra at pilit na humaharang sa isang matinong kontrata na ang makikinabang ay ang mga Zambaleño.
Kapag ganito ng ganito ang takbo ng negosyo at pulitika sa bayan nating mahal na Pilipinas, hinding-hindi talaga tayo aasenso at mapag-uunahan na tayo ng ibang bansa na ang dating estado ay nakabuntot lamang sa atin!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]