Nina HANNAH L. TORREGOZA at ANTONIO L. COLINA IV
Nanawagan kahapon ang ilang senador sa administrasyong Duterte na tiyaking may sapat na programa sa trabaho sa bansa kaugnay ng inaasahang pag-uwi ng maraming overseas Filipino worker (OFW) sa bansa kasunod ng total deployment ban ng mga Pilipinong domestic helper sa Kuwait.
Ayon kay Senator Cynthia Villar, dapat na samantalahin ng Department of Labor and Employment (DoLE) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang programang “Build, Build, Build” ng gobyerno upang bigyan ng pagkakakitaan ang magsisiuwing OFWs.
“You know, our domestic helpers comprise 80 percent of the problem of our labor department. That’s why I also believe we should stop them from going there. If we have 80 percent of our OFWs returning here, then 80 percent of our problems on our OFWs would eventually be resolved,” sinabi ni Villar sa panayam sa kanya ng DZBB.
Sinegundahan naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang apela ni Villar at sinabing suportado niya ang pagsisikap ng pamahalaan na maprotektahan ang mga OFW, kasabay ng panawagan na itigil na ang pagpapadala ng mga domestic helper sa mga bansang Arabo, dahil karaniwang problemado ang polisiya ng mga nasabing bansa sa larangan ng migrant workers.
RAPID RESPONSE TEAM
Kaugnay nito, inihayag ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola na nagpadala na ang gobyerno ng rapid response team sa Kuwait upang mapabilis ang pagpapauwi sa mga Pilipino roon.
Sinabi ni Arriola na nasa 800 katao na ang binigyan ng amnestiya ng Kuwaiti government at nakatakdang umuwi sa bansa—400 sa Linggo, 150 ngayong Lunes, at 250 sa Martes.
Ang 800 magsisiuwi ay kabilang sa 2,229 na nag-apply ng amnestiya. Subalit 1,780 lamang ang binigyan ng exit visa.
Ayon kay Arriola, ang iba pang Pinoy na nais nang umuwi sa Pilipinas ay pasasakayin sa dalawang chartered flight na ipagkakaloob ng pamahalaan.
Sa kanilang pagbabalik sa bansa, sasailalim ang mga OFW sa livelihood training ng TESDA, at kukubra ng suporta mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas’ Workers Welfare Administration (OWWA).
LIBRENG SAKAY
Kaugnay nito, kaagad namang tumugon ang Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific (CEB) sa panawagan ng Pangulo na tumulong ang nasabing mga kumpanya sa pagpapauwi sa mga OFW sa Kuwait.
Parehong maglalaan ng special charter flights ang dalawang airline company mula sa Kuwait patungong Maynila.
Ide-deploy ng CEB ang pinakamalaki nitong Airbus A330 aircraft, na maaaring magsakay ng hanggang 436 na pasahero, habang gagamitin naman ng PAL ang 363-seater nitong Airbus A330.
Nakikipag-ugnayan na ang CEB at PAL sa DFA at sa Philippine Embassy in Kuwait sa pinal na travel arrangements.
NAKAUWI NA
Kinumpirma naman kahapon ng Manila International Airport Authority (MIAA) na 25 lamang sa orihinal na 49 OFW ang dumating sa bansa kahapon, bandang 6:30 ng umaga, mula sa Kuwait lulan ng flight PR 669.
Ayon sa MIAA, 260 pang OFW ang darating ngayong Lunes, dakong 6:30 ng umaga, sakay sa flight PR 669; at 140 pa, bandang 10:10 ng umaga, lulan sa flight GF 154.
May ulat ni Dhel Nazario