Tinukoy na ng United States Department of the Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) ang key facilitator ng teroristang grupong Islamic State at ng network nito sa Pilipinas bilang Specially Designated Global Terrorist.

Si Abdulpatta Escalon Abubakar ng Pilipinas ay isa sa tatlong indibidwal na pinangalanang global terrorists ng US Treasury nitong weekend. Tinukoy siya sa kanyang pagtulong, pagtataguyod at pagkakaloob ng financial, material, o technological support o serbisyo sa ISIS.

Ayon sa US Treasury, si Abubakar ay nagsilbing key facilitator para sa ISIS at mga galamay nito sa Pilipinas simula Enero 2016.

Sinasabing nakipagtulungan si Abubakar sa isang miyembro ng ISIS sa Pilipinas para ayusin ang paglipat ng tinatayang $5,000 noong Hulyo 2017 at $50,000 sa ISIS network sa Pilipinas noong Agosto 2016.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Noong Hulyo 2016, iniulat na nagpadala ang ISIS ng $20,000 kay Abubakar, na maaaring ginamit ng mga elemento ng ISIS sa pagbili ng mga armas sa Pilipinas.

Ayon pa sa US Treasury, noong Mayo 2016, sa utos ni Isnilon Hapilon, ang napaslang na dating lider ng ISIS network sa Pilipinas, inayos ni Abubakar ang pagbili ng mga armas at bala. Noong Enero 2016, tinulungan din ni Abubakar ang isang miyembro ng ISIS sa Pilipinas para makabili ng mga materyales sa paggawa ng bomba ni Hapilon.

Noong September 2017, idinetine si Abubakar ng mga awtoridad ng Pilipinas habang bumibiyahe mula sa Gulf patungong Pilipinas.

Bukod kay Abubakar, tinukoy din sina Yunus Emre Sakarya ng Turkey, at Mohamed Mire Ali Yusuf ng Somalia bilang Specially Designated Global Terrorists sa pagtulong, pagtataguyod at pagkakalob ng financial, material, o technological support sa ISIS. - Roy C. Mabasa