Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Nag-alok kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte ng P20,000 sa bawat Lumad na makakapatay ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ito ang reaksiyon ng Pangulo sa gitna ng panawagan ng mga Lumad na bigyan sila ng pamahalaan ng proteksiyon laban sa pagmamalupit umano sa kanila ng rebeldeng grupo.
Ito na rin, aniya, ang kanyang sagot sa banta ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Joma Sison, na una nang nagpahayag na kaya ng NPA na pumatay ng isang sundalo kada araw kapag nagmatigas pa rin ang pamahalaan sa pagpapatuloy ng nakanselang peace talks.
Sa press conference sa Davao City, inalok din ni Duterte ang mga indigenous people (IP) na sumailalim sa tatlong-buwang pagsasanay sa Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) upang “magantihan ng mga ito ang mga pumatay sa kasamahan nilang katutubo”.
“Give me about three months, I will train them (IPs) as CAFGU and give them firearms and go out and hunt for those who killed their comrades. If you got one NPA, I will pay you. I’ll [give you] a reward,” pahayag ni Duterte.
Marami naman aniyang pera ang gobyerno at babayaran niya ng P20,000 bawat isa ang mga Lumad para tugisin at patayin ang mga kaanib ng NPA.
Matatandaang iniutos ng Pangulo na tugisin ang mga miyembro ng NPA matapos na pormal na kanselahin ang peace talks sa mga komunista dahil sa umano’y ceasefire violations noong nakaraang taon.
Nitong Disyembre 2017, inihayag nina United Nations (UN) Special Rapporteurs on the Rights of Indigenous Peoples and Internally Displaced People Victoria Tauli-Carpuz at Cecilia Jimanez-Damary na nagkakaroon ng talamak na pang-aabuso sa karapatang-pantao ng mga katutubo sa Mindanao.
Posible rin anilang lumala pa ang human rights violation sa komunidad ng mga Lumad sa Mindanao kasunod ng pag-apruba ng Kongreso sa pagpapalawig ng martial law sa rehiyon hanggang sa matapos ang 2018.